NANG masungkit ni Michelle Vitug Encarnacion ang titulo bilang Elite Mrs. Philippines International bago nagtapos ang 2019, pinaghandaan na niya ang pandaigdigang patimpalak na itinakda sa unang kwarter ng 2020. Ngunit naunsyami ito nang tumigil ang mundo dahil sa COVID-19 pandemic.
Makalipas ang tatlong taon, maiwawagay na ng negosyante ang bandera ng Pilipinas, ngayong itinakda na sa wakas ang ika-16 edisyon ng Mrs. International pageant sa Thistle Grand Ballroom sa Johor Bahru, Malaysia, ngayong gabi, Peb. 26.
Si Encarnacion ang tanging Pilipinang kalahok sa patimpalak na may tatlong kategorya, at maaga siyang umalagwa. Isa siya sa limang kandidatang naunang pinapunta sa Singapore dahil sa pangunguna sa social media segment ng contest, at nagantimpalaan ng limousine tour sa city-state.
Nasungkit din niya ang Best in International Costume award para sa “Natura” na likha ng Cebuanong si Axel Que. Itinanghal na rin siyang Best in Interview, ayon sa Mrs. Philippines International organization.
Sinabi ni Mrs. Philippines International National Director Maan Cueto Aris na panatag siyang masusungkit ni Encarnacion ang unang panalo ng bansa bilang Elite Mrs. International. “Her heart is pure, her soul is beautiful. You (Encarnacion) need a wider platform with an international scope,” sinabi niya tungkol sa reyna.
Nangako naman si Encarnacion na ibibigay ang lahat, sapagkat “this is about the country, it’s not just me or my province.” At dahil tatlong taong naghintay, itinodo niya ang paghahanda para sa pinakamalaking hamon ng kaniyang buhay.
Bumuo siya ng glam squad upang mag-isip ng competition wardrobe niya at ng overall styling looks para sa bawat aspeto ng patimpalak. Ngunit ipinagpatuloy pa rin niya ang charity missions, na sinimulan na niya kasama ang Onesimo Foundation bago pa man magkaroon ng korona.
“If I win this, I will become the first Elite Mrs. International from the Philippines. That is why I wanted to prepare. I want to make the country proud,” ani Encarnacion.