ROCKETS, PACERS magpapasikat

NGAYON pa lang ay hindi na magkamayaw ang mga NBA fans na nais manood bukas sa pre-season match sa pagitan ng Houston Rockets at Indiana Pacers bilang bahagi ng NBA Global Games.

Dumating noong Lunes ang mga manlalaro ng parehong koponan. Mahigit 16,000 tickets ang naibenta para sa larong ito ngunit libu-libo pa ang inaasahang daragsa sa labas ng SM Mall of Asia Arena para masulyapan man lang ang mga NBA stars.

Ilan sa mga sikat na Houston players na narito ay sina dating Slam Dunk champion Dwight Howard, NBA sensation na si Jeremy Lin, isa sa pinakamahusay na fantasy player ng liga na si James Harden at ang papausbong na si Chandler Parsons.

Ngayon pa lang ay kinukunsidera na ang Rockets bilang isang Playoffs contender sa Western Conference. Tulad ng Rockets ay nagpalakas din ang Indiana Pacers sa season na ito.

Nadagdag sa koponan ngayon si Luis Scola na dating naglaro sa Houston. Malaking tulong si Scola sa front court ng Indiana na pinangungunahan nina Roy Hibbert at David West.

Nagbabalik din mula sa injury ang dating All-Star player na si Danny Granger na makakaagapay ng isa pang All-Star player na si Paul George.

“It means a lot. It’s great that the NBA has brought basketball to this country,” sabi ni George. Exhibition game lamang ang larong ito pero ngangako naman ang mga NBA stars na ito na bibigyan nila ng magandang “show” ang mga Pinoy fans.

Kasama rin ng Pacers ang isa sa “50 Greatest Players” ng liga na si Larry Bird.  Ang dating manalalro ng Boston Celtics ay presidente na ngayon ng  Pacers franchise.

Narito rin ang dating kakampi ni Bird sa Celtics na si Kevin McHale. Si McHale ang kasalukuyang head coach ng Houston Rockets.
Mag-uumpisa ang laro alas-7 ng gabi bukas sa SM Mall of Asia Arena. Nasa bansa rin ang mga NBA veterans na sina Ron Harper, Clyde Drexler, Robert Horry at Jalen Rose para tumulong sa pag-promote sa naturang laro.

“We’re just excited to come over to play the game and give Filipinos a great show,” sabi naman ni Harden.Nagpahayag din ng kahandaan ang Pacers na maglaro ng mahusay bukas lalo pa’t naghahanda ito para pagharian ang Eastern Conference.
Ito ang kauna-unahang NBA pre-season game na lalaruin sa Southeast Asia. “I’m really excited for the game,” sabi ni Horry, na unang bumisita sa bansa noong 2009  kasama nina Dominique Wilkins at Tim Hardaway.

“I know it’s going to be a packed house and there’s going to be craziness. I’m just excited [about] how many people will come out for the game.”

Pagkatapos ng laro ay lilipad patungong  Taiwan ang Rockets at Pacers para sa isa pang NBA pre-season game sa Linggo.

Read more...