Good job Abanilla, Sauler

SO far, so good! Iyan ang masasabi natin patungkol sa head coaching debut nina Gelacio Abanilla III at Juno Sauler sa kani-kanilang liga.

Kasi nga’y heto sila’t nasa bingit ng isang Cinderella finish. Naigiya ni Abanilla patungo sa best-of-seven Finals ng 2013 PBA Governors Cup ang Petron Blaze matapos ang 110-89 panalo kontra sa kampeong Rain Or Shine noong Lunes.

Nagwakas ang kanilang semifinal series, 3-1, pabor sa Boosters. Sa kabilang dako ay napuwersa naman ng La Salle Green Archers ni Sauler ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa winner-take-all Game Three para sa kampoenato ng 76th UAAP men’s basketball tournament matapos silang magwagi, 79-73, noong Sabado sa Game Two ng serye.

Well, nito lang Hunyo ay kapwa assistant coaches sina Abanilla at Sauler. Pero heto ngayo’t puwede na silang maging champion coaches sa kani-kanilang liga.

Si Abanilla ay assistant coach ni Rodericko “Olsen” Racela sa Petron.Kung tutuusin ay mas malawak naman ang karanasan ni Abanilla bilang assistant coach.

Katunayan ay naging head coach na nga siya sa collegiate ranks nang hawakan niya ang  College of St. Benilde  sa NCAA.
Matagal din siyang nagsilbi bilang assistant ni Joseller “Yeng” Guiao sa Red Bull.

Kaya nga parang nagkita ang maestro at estudyante sa nakaraang semis dahil si Guiao ang coach ng Rain Or Shine.
Bago pinahawakan sa kanya ang Petron, si Abanilla ay head coach ng Green Archers sa loob ng isang season.

Nang lumipat siya sa kampo ng Boosters ay hinalinhan siya ni Sauler na nanggaling naman sa Barangay Ginebra bilang assistant coach.

Parang hindi nahirapan si Abanilla na palabasin ang  buti ng Boosters na matagal na dapat ay lumabas. Oo’t natalo ang Petron sa Meralco sa kanilang unang game sa Governors Cup pero hindi naman pinaghinaan ng loob si Abanilla.

Sa halip, nakabangon kaagad ang Boosters sa kabiguang iyon at winalis nila ang sumunod na walong games upang tapusin ang elims sa unang puwesto sa kartang 8-1.

Tinalo nila ang Barangay Ginebra San Miguel sa quarterfinals bago napanalunan ang unang dalawang games ng semis kontra Elasto Painters.

Nabigo silang walisin ang Rain Or Shine na nagwagi sa Game Three, 92-87. Pero hanggang doon na lang iyon. Tinambakan nila ang kalaban sa series clinching Game Four.

Medyo rocky naman ang naging simula ni Sauler sa La Salle dahil dalawang linggo lang bago nagsimula ang UAAP season nang hawakan niya ang Green Archers.

Pero pagdating ng second round ng eliminations ay umayos na ang lahat at winalis ng Green Archers ang yugtong iyon. Tinalo din nila ng dalawang beses ang Far Eastern University Tamaraws sa Final Four bago natalo sa Growling Tigers sa Game One ng Finals.

Pero hindi basta-basta umayaw ang Green Archers at sa halip ay binalikan nila ang Growling Tigers sa Game Two para mapuwersa ang rubber match sa Sabado sa Mall of Asia Arena.

Sabihin na nating nailagay sina Abanilla at Sauler sa kani-kanilang koponan nang ang mga ito ay hinog na hinog na. Pero kung hindi magagaling na coaches sina Abanilla at Sauler, kahit hinog na ang kanilang team ay hindi aabot sa ganito kalayo ang mga iyon.

Pinatutunayan lang nina Abanilla at Sauler na deserving sila sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanila!

Read more...