NAGPADALA ng text message ang nagpakilalang avid reader ng Bantay OCW sa Inquirer Bandera. Taga Mindanao siya at nais niyang malaman kung puwede daw bang gumamit ng pekeng pasaporte. At kung may magsusumbong ba sa kanya kung saan man naroon ang ating kabayan, posible daw bang ma-deport ito?
Unang-una hindi dapat gumamit ng anumang pekeng dokumento gaya ng passport, lalo pa sa mga nagbi-byahe. Dahil kapag ginawa niya iyan, sakop siya ng batas ng Pilipinas at maging ng batas sa ibang bansa. At tiyak na papanagutan niya iyon.
Bukod sa kawalan ng katapatan nito sa batas ng Dios at ng tao, napakalaki ng posibilidad na kapahamakan ang magiging dulo ng kaniyang pagkilos.
Gayong mahirap nang mapeke ang mga pasaporte ngayon, ngunit kung alam ng ating kabayan na may gumamit ng pekeng passport sa kaniyang pag-aabroad, mabuti pang dito pa lamang sa Pilipinas isumbong na niya ito.
Dahil kung malalaman din naman at magmagsusumbong na fake ang kaniyang passport o iba pang mga dokumento, may mga bansang nagkukulong sa mga lumalabag sa batas na iyan, pagmumultahin pa ng malaking halaga at hindi na makakabalik sa bansang iyon. Blacklisted na siya.
Text naman ng asawa ng OFW na kasalukuyang nasa Saudi ngayon, hirap na hirap na ‘anya si misis sa kaniyang trabaho sa Saudi samantalang sa Kuwait ang kaniyang orihinal na destinasyon ayon sa nakasaad sa kontrata nito.
Hindi rin nasusunod ang suweldong napagkasunduan.
Payo natin kay mister, paglabag sa kontrata (contract violation) ang maaaring ikaso sa recruitment agency na nagpaalis sa kaniyang asawa, at ito’y isang anyo ng illegal recruitment.
Hinihimok namin kayong pormal na magreklamo upang papanagutin ang ahensiyang ito at maaaring pauwiin si misis sa Pilipinas.
Humihingi ng tulong si Mrs. Melania Tarucan ng Iloilo kung papaanong makakakuha ng certified true copy ng death certificate ng kanyang yumaong asawa sa Saudi.
Palibhasa’y photocopy lamang ang ipinadala sa kaniya sa Pilipinas, kung kaya’t hindi maiproseso ang kaniyang death claim.
Hihilingin na lamang po ng Bantay OCW sa pamamagitan ng ating Philippine Embassy sa Saudi na ma-authenticate ang dokumentong kailangan po ninyo dahil iyon ang kahilingan para sa inyong application ng death claim.
Unang sampa pa lamang sa barko ng ating marino ngunit naloko na ‘anya siya ng kaniyang manning agency.
Nagbigay daw siya ng P54,000 bilang placement fee. Napakaliit naman ‘anya ng sahod niya. $200 USD lamang at sagot pa niya ang kaniyang pagkain at lahat ng personal na gamit.
Walang day off, 12 hours duty at walang bayad ang overtime. Himutok pa ng ating texter na marino, 3 years pa ang kontratang pinapirmahan sa kaniya.
Tanong niya kung tama po ba o mali ang ipinagawa sa kaniya.
Naku eh puro mali po ang ginawa sa inyo. Una, walang placement fee na dapat bayaran ang isang seaman.
Walang kontrata sa barko na tumatagal ng 3 taon.
Kadalasan 8-10 buwan lamang po. At siyempre, sagot na nila ang pagkain ninyo sa barko.
Hindi po ninyo nabanggit ang inyong trabaho sa barko. Saan ba kayo naglayag?
Nasaan na ba kayo ngayon?
Handa po namin kayong tulungan.
Makipag-ugnayan po kayong muli sa amin upang tiyak na saklolo ang maiparating namin sa inyo.