IPINAKILALA na ng Miss Universe Philippines pageant ang mga opisyal na kandidatang magtatagisan sa patimpalak ngayong taon, at pasok sa listahan ang mga inang sina Clare Dacanay, Joemay-An Leo, at 2018 Miss Global Philippines Eileen Gonzales.
Kabilang ang talong ina sa 40 aplikanteng tagumpay na nakalusot sa final screening na isinagawa sa Citadines Bay City Manila Bay sa Pasay City noong Peb. 18. Tinanggap sila ng pambansang organisasyon alinsunod sa bagong patakarang inilabas ng Miss Universe Organization (MUO) na nagpapahintulot sa pagsali ng mga may asawa na o nagdalantao na.
Makakalaban nila ang national at local titleholders, ang iba nakatuntong na rin sa pandaigdigang entablado. Si Gonzales mismo naging kinatawan na ng Pilipinas sa 2018 Miss Global pageant na itinanghal sa bansa. Isa na siyang solo parent noong panahong iyon. Ang naturang pandaigdigang patimpalak ang unang nagtapat ng mga single sa mga ina na sa iisang kumpetisyon.
Nagbabalik naman si Michelle Marquez Dee, anak ni 1979 Miss International Melanie Marquez na hinirang na Miss Universe Philippines Tourism sa patimpalak noong isang taon. Naging kinatawan na siya ng Pilipinas sa 2019 Miss World pageant kung saan siya nagtapos sa Top 12. Isa pang global Pinay sa hanay ay si 2021 Reina Hispanoamericana tercera finalista Emmanuelle Vera, na ginagamit na ngayon ang tunay na apelidong Camcam.
Muli ring nagbabalik si dating Mutya ng Pilipinas Global Beauty Queen Pauline Amelincx, na third runner-up sa unang Miss Universe Philippines pageant noong 2020 at hinirang bilang Miss Universe Philippines Charity noong isang taon. Ito na ang ikatlo niyang pagtatangka sa korona. Ibabandera sana niya ang Pilipinas sa 2018 Miss Global Beauty Queen sa Korea, ngunit nakansela ang kumpetisyon.
Sina 2021 Binibining Pilipinas Grand International Samantha Panlilio, 2019 Mutya ng Pilipinas Asia Pacific International Klyza Castro, 2016 Miss Bikini Philippines Christine Julianne Opiaza, 2020 Aliwan Fiesta Digital Queen Jannarie Zarzoso, at 2019 Miss Global Universe Philippines Layla Adriatico ang iba pang national titleholders na naghahabol ng panibagong koronang masusungkit.
Makakasama nila ang reigning beauty queens mula sa mga lalawigan—sina Miss Baguio Krishnah Gravidez, Miss Universe Palawan Louise Gallardo, at Miss Batangas Universe Karen Joyce Olfato—at si 2017 Miss Camiguin Hyra Desiree Betito.
Nauna nang hinayag ng Miss Universe Philippines pageant sa social media na tatlong korona ang igagawad ngayong taon, ngunit hindi pa nila binunyag kung ano-ano ang idinagdag na mga titulo. Isasalin ni reigning queen Celeste Cortesi ang kaniyang korona sa isang pambansang patimpalak na hindi pa tukoy ang petsa at lugar.
Lalaban sa 2023 Miss Universe pageant sa El Salvador ang hihiranging 2023 Miss Universe Philippines.