MAKARAAN ang ilang buwan ng paghihintay, natanggap na ni Mutya ng Pilipinas Iona Gibbs ang pinakaaabangan niyang international pageant assignment. Siya ang magiging kinatawan ng bansa sa ika-51 Miss Intercontinental contest ngayong taon.
Nang tanggapin ni Gibbs ang titulo niya noong Disyembre, batid na ng mga kapwa niya reyna kung saan-saang international pageant sila lalaban. Sinabi ng organisasyong ipadadala pa rin siya sa isang pandaigdigang patimpalak, ngunit hindi pa tinukoy kung ano iyon noong panahong iyon.
At noong Peb. 15, sa appreciation night ng pambansang patimpalak para sa mga sponsor at kaibigan, hinayag ni Mutya ng Pilipinas Chair Fred Yuson ang muling pagkamit sa lisensya ng Miss Intercontinental pageant.
“In 2019 on our 51st Mutya ng Pilipinas edition, I made a commitment towards MNP’s growth and expansion. Today is the day, with the announcement of our formal ties with MIO,” aniya.
Sinabi naman ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino, “we welcome MIO with open arms and look forward to a great year in Mutya ng Pilipinas 2023. Pageant fans should expect much enthusiasm and excitement this year and hopefully in the years to come.”
Huling nagpadala ang Mutya ng Pilipinas ng kinatawan sa Miss Intercontinental pageant noong 2013, bumandera ang main winner na si Koreen Medina na nagtapos sa ikaapat na puwesto sa pandaigdigang patimpalak.
Noong 2014, nakuha ng Binibining Pilipinas pageant ang prangkisa. Isinalang din nito ang naging unang Miss Intercontinental winner mula Pilipinas na si Karen Gallman, na nagwagi noong 2018. Tinumbasan ito ni Cinderella Faye Obeñita noong 2021.
Dalawa pang reyna ng Bb. Pilipinas ang nagtapos naman bilang first runner-up sa Miss Intercontinental pageant, sina Katarina Rodriguez at Christi Lynn McGarry.
Hindi pa nilalabas ng Miss Intercontinental organization ang impormasyon kaugnay ng lugar at petsa ng patimpalak para sa 2023. Tatangkain ni Gibbs na manahin ang titulo mula kay reigning queen Le Nguyen Bao Ngoc upang maging ikatlong Pilipinang makasusingkit sa korona.