Sunshine: Hindi ko na talaga siya mahal, ayoko muna siyang makita!

Cesar Montano at SunshineCruz

Mas lalo pang gumanda at sumeksi ngayon si Sunshine Cruz nang humarap siya sa entertainment press para sa re-launching niya bilang endorser ng Ever Bilena beauty products, patunay lang na talagang nakalimutan na niya ang kanyang asawang si Cesar Montano.

At ‘yan ang dahilan kung bakit nga siya kinuhang muli ng kilalang make-up brand, gustong ibandera ng mga taga-Ever Bilena na narito ang isang babaeng dumaan sa matitinding pagsubok ng buhay ngunit napanatili pa rin ang kanyang ganda bilang isang ina, kapatid at anak inside and out. Nauna nang in-endorse ni Sunshine ang Ever Bilena noong 1999.

Natanong si Sunshine kung paano niya na-maintain ang kanyang freshness sa kabila ng ilang taong pamomroblema kay Buboy?

“You know, nakatulong talaga ‘yung meron kang goodlooking husband, kasi talagang kakaririn mo rin ang itsura mo. Yung kahit nasa bahay ka mapanatili mo ang iyong itsura. Dapat lagi kang fresh. Ha-hahaha!”

Sumeryoso naman ang nagbabalik na aktres nang tanungin kung nami-miss pa rin ba niya si Buboy at kung may nararamdaman pa siyang kahit kaunting pagmamahal dito.

“Wala na akong nami-miss sa kanya, I just woke up one day na wala na akong maramdaman. Kasi dati iniisip mo, baka ikamamatay mo na mawawala sa iyo, selos ka nang selos dahil sa mga babaeng ito, yung fear na hindi mo kakayanin. Pero one day, na-realize ko, pwede naman pala kahit na mawala.”

Dagdag pa ni Shine, “Wala nang love talaga, respeto na lang bilang tatay siya ng mga ako. Tsaka mararamdaman mo naman ‘yun, e kapag wala na talaga. But I will forever cherish yung mga masasayang memories namin together, yung mga happy moments, pero memories na lang, yung love, siguro pwede ko siyang mahalin uli bilang kaibigan – in God’s time.”

Ano ba ang pwedeng gawin ni Cesar para mapatawad niya? “Bilang mga Kristiyano nga tayo, dapat marunong tayong magpatawag, pero hindi mo maiaalis na nandu’n pa rin yung pain dahil sa mga nangyari dahil parang naging masalimuot ang mga bagay-bagay. In God’s time, I know na magiging handa rin ako to totally forgive him 110 percent, darating tayo diyan, pero sa ngayon, ganito na lang muna kami.”

Isa pang matigas na sinabi ni Sunshine patungkol naman sa pagkikita nilang muli ni Cesar, “Basta ako, yung custody ng mga anak namin ang inaasikaso ko ngayon, ‘yung TPO (temporary protection order) na ipinayl namin, hindi na itinuloy. Pero he knows his limitations already, I don’t want to be near him, and ayaw din naman siguro niya akong makita after what happened.

“Mabuti na lang siguro ‘yung ganito. I really tried na maging magkaibigan kami, para na lang sa mga anak namin, pero minsan nabibigyan ng ibang meaning yung pakikipagkaibigan ko sa kanya, kaya mabuti na lang yung ganito.”

 

Read more...