MAKARAAN ang napakatagal na paghihintay, sa wakas ihinayag na ng Miss World Organization (MWO) ang host country para sa contest nito ngayong Mayo, at matatagpuan ito sa Gitnang Silangan. “I am delighted to announce the 71st Miss World Festival will be held in the United Arab Emirates,” sinabi umano ng pangulo ng organisasyon na si Julia Morley ayon sa isang social media post mula sa patimpalak.
Noong Marso 2022 nagtapos ang pinakahuling edisyon ng patimpalak, na itinuturing na contest para sa 2021. Nagsimula kasi ito noong Disymebre 2021 sa Puerto Rico na may mahigit 100 kandidata. Ngunit nahinto ito dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa ilang mga kalahok, staff members, at opisyal.
Ang Top 40 lang ang pinabalik nang ipagpatuloy ito sa Puerto Rico noong Marso 2022, kung saan kinoronahan si Karolina Bielawska mula Poland. Nauna siyang nakatakdang magsalin ng titulo noong taong iyon din, ngunit nagpasya ang MWO na huwag na munang magdaos ng patimpalak.
Hindi rin nagsagawa ng patimpalak ang MWO noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Kinoronahang Miss World Philippines ang French-Filipino model na si Gwendolyne Fourniol noong Hunyo, sa pag-asang itatanghal ang Miss World pageant sa huling kwarter ng taon. Ngunit lingid sa kaalaman niya at ng pambansang organisasyon na halos isang taon pala siyang maghihintay bago makasabak sa laban.
Mula nang makoronahan bilang opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa Miss World pageant, naging abala si Fourniol sa mga proyekto ng ERDA (Educational Research and Development Assistance) Foundation, na nakakatrabaho na niya bago pa man mapanalunan ang pambansang korona niya.
Tinulungan ng foundation ang ina niya na makapag-aral noong nakatira pa ito sa isang maralitang pamayanan sa Negros Occidental. Upang makatanaw ng utang na loob, nagboboluntir si Fourniol, ang ina niya, at iba pang mga kapamilya, at naghahandog ng ilang tulong sa abot nang makakaya nila.
Pasan ngayon ni Fourniol ang mabigat na tungkuling maitala ang pangalawang tagumpay ng Pilipinas sa naturang pandaigdigang patimpalak. Si Megan Young pa rin ang tanging Pilipinang hinirang bilang Miss World. Nagwagi siya noong 2013 sa patimpalak na itinanghal sa Indonesia.
Dahil sa pahayag ng MWO, ang Miss International pageant na lang ang natatanging malaking pandaigdigang patimpalak na hindi pa nakapaglalabas ng host country para sa 2023. Gayunpaman, sinabi ng organizer na International Cultural Association (ICA) sa Japan na itatanghal ang kumpetisyon sa ikatlong linggo ng Nobyembre.
Ang Philippine-based na Miss Earth pageant ang unang naghayag ng isang host country para sa 2023 nang lumagda ang organizer na Carousel Productions ng hosting contract sa isang Vietnamese group noong isang taon.
Hinayag naman ng Miss Universe pageant, sa pagtatanghal ng ika-71 edisyon nito sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos nitong Enero, na sa El Salvador itatanghal ang ika-72 patimpalak nito bago matapos ang taon.