NAKITA na ng reigning Binibining Pilipinas queens ang mga dilag na nagnanais masungkit ang mga koronang nasa ulo nila nang ipakilala ang mga opisyal na kandidata para sa patimpalak ngayong taon, at excited na sila para sa mga kalahok na tatahakin ang landas na nagpabago sa kani-kanilang mga buhay.
“Well for me it’s really exciting this year. This batch is kinda different because some are fresh faces, some do not have any background at all in pageantry. And we also saw a lot of pageant girls from different organizations,” sinabi ni Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez sa Inquirer sa final screening ng mga aplikante sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Peb. 6.
Sinabi ni Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong na nahirapan siyang makapili ng mga kandidata, “because all of them are worthy talaga,” habang napapansin naman ni Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano na “getting more and more competitive” ang patimpalak. Para kay Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo, “very promising” ang mga kandidata ngayong 2023.
Ayon naman kay second runner-up Stacey Gabriel, binubuo ng magaganda, matatalino, at matatalas na mga kandidata ang 2023 batch. “I can’t wait to witness their journeys, and I’m so excited they finally get to this incredible ride that we’ve been on,” aniya.
Pinayuhan din niya ang mga kandidata na magpakasaya. “One of my pitfalls was I took everything too seriously, and I wish I had let my hair down more, let loose more. This is a beautiful platform to share your heart, to raise your voice. So don’t lose sight of the fun and the wonder of it all,” ani Gabriel.
Para naman kay Borromeo, dapat laging huminga nang malalim ang mga binibini. “I know what it’s like being there on stage, the fear and the shaking, because I really want them to like me. But if you just take a deep breath before you do anything, it kinda brings you to the moment,” aniya.
Pinaalalahanan naman ni Tamondong ang mga kandidata na maging confident, at “be grateful for your team or who you’re with. Don’t stress yourself out.” Sinabi naman ni Basiano na nais niyang bumuo ang mga kandidata ng ugnayan “with the people who are behind the scenes, and your co-candidates, because it’s something that you’re gonna bring for a lifetime.”
Samantala, ibinahagi ni Fernandez ang payong natanggap mula sa mga tagapagturo niya: “Never get tired.”
Sinabi niyang dahil sa tagal ng patimpalak, maaaring mainip o mapagod ang mga binibini. “Like last year, we started applying in April, tapos it ended in July. So gano’n kahaba, gano’n katagal. Itong girls mapapagod, pero huwag sana. I hope they think of why they joined this pageant, para doon kunin ang inspiration and strength nila,” ipinaliwanag niya.
Sa ngayon, itinakda sa Mayo ang pagtatanghal ng 2023 Bb. Pilipinas coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City.