TULUYAN na ngang nagpaalam ang karakter ni Julie Anne San Jose bilang si Maria Clara delos Santos Y Alba sa top-rating Kapuso series na “Maria Clara At Ibarra”.
Nitong Biyernes, Pebrero 10, ay naging emosyonal ang Kapuso star habang binabalikan ang kanyang naging karanasan at mga natutunan sa kanyang karakter na talaga namang minahal at tinangkilik ng publiko.
“Isang napakalaking karangalan na mapabilang sa programang #MariaClaraAtIbarra. Maraming salamat sa GMA Network at Sparkle sa tiwala at pagkakataon na mabigyang kulay ko si Maria Clara,” panimula ni Julie Anne.
Nagpasalamat rin ang dalaga sa kanilang direktor na si Zig Dulay sa naging paggabay nito sa bawat eksena, sa kanyang mga nakasamang artista na talaga namang mahuhusay, pat ina rin sa kanilang mga writers at bumubuo ng production na itinuring na niyang kaibigan at pamilya.
Saad pa ni Julie Anne, “Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo gabi-gabi, nakakataba ng puso ang inyong pagsuporta at pagmamahal sa programang ito.”
Aniya, isang karangalan para sa kanya ang gumanap bilang Maria Clara at maging instrumento para maipaabot sa publiko ang makulay na kwento ng kasaysayan ng Pilipinas.
Pagbabahagi ni Julie Anne, “Mas minahal ko ang aking larangan bilang artista sapagkat kami ay naging instrument upang maipakita naming ang makulay at maalab nating kasaysayan. Para sa akin, isang obrang maituturing ang aming palabas.
“Ito ay siguradong kapupulutang aral, na maipapamana sa mga susunod pang henerasyon.”
Naniniwala naman ang dalaga na kahit matapos ang kanilang teleserye ay mananatili sa mga manonood ang aral na hatid ng “Maria Clara at Ibarra”.
Lahad ni Julie Anne, “Matapos man ang palabas na ito, ang kultura at kasaysayan natin ay habang buhay na nakatatak sa ating mga puso’t isipan.
“Ito ang nagpapaalala sa ating mga karapatan bilang tao, at sa ngalan [ng] pag-ibig- sa sarili, sa kapwa, at maging sa bayan- tayo ay lumalaban at patuloy na lalaban.”
“Hanggang sa muli, ito po ang inyong Maria Clara delos Santos Y Alba, isang maalab na pagpupugay sa kasaysayan ng Pilipinas, salud!” tuluyang pamamaalam ni Julie Anne.
Samantala, nakatakda namang magtapos ang “Maria Clara at Ibarra” sa Pebrero 17 na umere rin ng mahigit apat na buwan.
Related Chika:
Julie Anne, Barbie bubuhayin ang alaala ni Jose Rizal; ‘Idol Philippines’ talbog ng ‘Running Man PH’ sa ratings game
Julie Anne, Rayver official nang magdyowa, ibinandera ang matinding pagmamahal para sa isa’t isa
Rayver Cruz, Julie Anne San Jose pinagtagpo, pero itinadhana nga kaya?