Mapua ginulat ang San Beda, 81-76


IBAYONG puso ang inilabas ng Mapua Cardinals nang kalusin ang three-time defending champion San Beda Red Lions, 81-76, sa 89th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Binigyang buhay nina Jessie Saitanan ang tila malamig na opensa ng Cardinals nang ibagsak ang 10 sa kanyang 18 puntos upang makumpleto ng tropa ni Mapua coach Fortunato “Atoy” Co ang pagbangon mula sa 65-71 iskor.

Apat na sunod na jumpers ni Saitanan ang nagbigay sa Cardinals ng 74-71 baraha at kahit naitabla ni Art Dela Cruz ang iskor sa isang tres, pinagitnaan nina Saitanan at Carlos Isit ang jumper ni Rome dela Rosa para sa 78-76 kalamangan.

Sumablay sina Dela Cruz at Baser Amer sa dalawang sunod na opensa ng Red Lions habang nagtala ng split sa free throw line sina Jeson Ray Cantos, Kenneth Eriobu at Kenneth Ighalo para manalo pa ng limang puntos ang Cardinals.

Bago ito ay mayroong 13 sunod na pagkatalo ang Cardinals at ang huling panalo na natikman nila ay noon pang Hulyo 1 nang padapain sa overtime ang San Sebastian Stags, 104-99.

Read more...