PDAF O DAP—walang andap-andap na sila’y nagpanggap.
Sino pa ba ang paniniwalaan nating tunay na lingkod-bayan? Sino ba ang tapat sa kanila na umanoy naglilingkod sa sambayanan?
The truth of the matter is, the more we negate the truth that the country is in the midst of institutional and constitutional crisis, the more the problem will reach a condition where the only probable solution is the collapse of the very system itself.
Ang katiwalian ay dapat na labanan sa kabuuan nito, hindi sa kung sinu-sino ang mga nasasangkot.
Ang katiwalian ay hindi maaaring gawin ng iisa ng walangkasapakat sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. At ang sabwatang ito ay tiyak na alam ng namumuno sa ahensiya.
Sa usapin ng Daang Matuwid, kung nais pang panatilihin ang kagitingan ng mga salitang ito, may dapat na magbitiw o di kaya ay sibakin.
Ito lamang ang isa sa mga konkretong hakbang para pagtiwalaan ang kampanya laban sa katiwalian at hindilaban lang sa dating administrasyon.
Katiwalian, paano nga ba nagsisimula?
Sa simula pa lamang ng akto ng pagpo-postura at pagpapanggap ng pagsisilbi sa publiko ay naroon na ang katiwalian.
Sa Facebook, nahihiya akong tignan ang mga larawan ng mga kunwa’y pagod na pagod sa paglilinis ng kapaligiran na ang suot ay ang mga t-shirt o polo-shirt na nagpapakilala o kaya ay nagpapahayag ng kanilang mga pangalan, slogan o kaya ay pangkat sa darating na halalang pang-Barangay. Pawis pawis ng kaunti, dami-dami naman pictorial pag may time…lalo na pag election time!
Dun pa lamang, kita na huwad ang saligan ng serbisyo publiko.
Ang ginagawa ng kaliwang kamay ay hindi na dapat na ibantog ng kanang kamay. Ang katawan na siyang may-ari ng kanan at kaliwang kamay ang nakababatid. Ang utak ang nagtatakda, ang puso ang dumadama, bahagi ng pagkatao, kung likas na gawi, lalabas at lalabas nang walang alinlangan.
Ang kaso, lahat parang ang layunin lang ay magpanggap. Pakitang-tao.
Idinugtong ko sa usapin ng katiwalian sa itaas ng sistema ng serbisyo publiko at burukrasya dahil sa paano nga namang tatatag ang kampanya kung mula sa baba hanggang sa taas, nahawa na ng sistemang tila kahit anong kumpuni, o renovation pa ang gawin ay tila wala nang pag-asa pa. Bumabalik sa panukalang wasakin na lamang kaya natin ang sistema at palitan ng isang bago?
Yun bang tipong bagong Pilipino, bagong gawi, bagong ugali, bagong simula, bagong tiwala.
Ah nananaginip ako. Hindi mangyayari sa susunod na tatlong taon pa. Lalong hindi sa 2016 at higit pa. Sila-sila rin yun — magbibihis lang, mag-papa-rebond lang, yun pa din yun.
Nalalapit na ang eleksiyong pang-barangay, makikita na naman natin ang patronage politics na dama hanggang sa pinakamababang antas ng pamamahala.
Para sa komento at tanong, i-text ang OFFCAM, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.