SA PAG-AASAM ng korona, nagiging mahaba ang araw ng beauty pageant contestants at ilang oras lang kung matulog.
Ngunit ganito pa rin ang buhay ni Emma Tiglao kahit naisalin na niya ang titulo niya bilang 2019 Binibining Pilipinas Intercontinental.
Kaya nagbago rin ang beauty regimen niya kasabay nang paglipat ng mundong ginagalawan. “Apat na roas lang ako natutulog every day kasi nagbago ang schedule ko,” sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam sa SM Skydome sa Quezon City noong Enero 31 nang nag-judge siya sa unang Lueur Lauren Calendar Girl search.
Siya na ang naging mukha ng kumpanya mula nang ilunsad ito sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, at nananatili siya dahil na rin sa tiwalang ibinibigay sa isa’t isa ng magkabilang partido.
Sinabi ni Tiglao, host ng daily morning show na “Kada Umaga” at anchor ng nightly newscast na “Mata ng Agila” sa Net 25, na nagiging camera-ready siya dahil sa mga produktong gawang-Korea. “Andami na ngayong nilalagay. Alam naman nating kapag skincare, kapag Korean, talagang maganda, ’di ba?,” aniya.
Ngunit pinaalalahan din niya ang mga tao na mahalin ang sarili. “Paano mo mabibigyan ng love iyong ibang tao, o ng care ang ibang tao, kung sarili mo hindi mo mabigyan ng gano’n? So you have to start with yourself bago ka magbigay sa ibang tao. Next is surround yourself with good people, environment din ang magdadala,” ibinahagi niya.
Masaya si Tiglao sa trabaho niya kahit hindi pala niya binalak na mapunta sa news and public affairs. “Actually ang pangarap ko talaga ay public speaking eh. Parang you motivate people, you inspire people. I think it’s the same path also. Kasi doon ka nakakapagbigay ng information sa people,” ipinaliwanag niya.
At dalawang taon pa lang sa industriya, na-nominate na si Tiglao sa PMPC Star Awards for TV nitong Enero, at ibinandera ang Pilipinas sa Asian TV Awards sa Singapore noong Disyembre. “Imagine dati ang ine-aim ko crown, ngayon it’s the title? I think bonus na lang iyon eh. Kasi iyong ma-recognize ka from other country, nagbabalita ka pa,” aniya.
“Parang sobrang nakaka-boost ng confidence, parang driving force mo iyon to do more,” dinagdag ni Tiglao, na itinuturing ang mga beteranang mamamahayag na sina Karen Davila at Pinky Webb bilang mga idolo niya. “Sila iyong magagaling sa interview. Iyon ang pinakamahirap, mag-interview talaga. Kasi deep eh, kailangan kunin ang deep information sa people and sa topic itself,” ani Tiglao.
Isa lang si Tiglao sa hanay ng mga beauty queen na nakahanap ng bagong landas bilang news personalities sa Net25. Sina Bb. Pilipinas Universe Nina Ricci Alagao at Miss Global first runner-up CJ Hirro naman ang mga anchor ng late-night newscast na “Mata ng Agila International.”