Maraming nag-ober da bakod sa 2023 Bb. Pilipinas pageant

 

Maraming nag-ober da bakod sa 2023 Bb. Pilipinas pageant

Maraming pamilyar na mukha sa 2023 Bb. Pilipinas pageant./ARMIN P. ADINA

IPINAKILALA na ng Binibining Pilipinas pageant ang 40 kandidatang magtatagisan sa patimpalak ngayong 2023, marami sa kanila mga pamilyar nang mukha na sumalang na sa entablado ng iba-ibang beauty contests, mapa-national man o local.

Anim na kandidata ang nagmula sa Miss World Philippines pageant, sa pangunguna ni 2021 Miss Tourism Philippines Trisha Martinez. Sinamahan siya ng mga kalahok noong 2018 na sina Elaiza Dee Alzona at Paulina Labayo, mga kandidata noong 2021 na sina Andrea Marie Sulangi at Lea Macapagal, at ni Anje Mae Manipol mula 2022.

Makikipagtagisan din ang ilang reyna ng Miss Philippines Earth pageant—sina 2021 Miss Philippines Ecotourism Sofia Lopez Galve, 2020 Miss Philippines Water Gianna Margarita Llanes, at 2016 Miss Philippines Air Kiaragiel Gregorio.

Katabi ni ‘balik-Binibini’ Anna Valencia Lakrini (kanan) si 2021 Miss Philippines Tourism Trisha Martinez/ARMIN P. ADINA

Mga kandidata na rin ng Bb. Pilipinas pageant ang Miss Universe Philippines semifinalists na sina Mirjan Hipolito at Angelica Lopez, gayundin sina Katrina Mae Sese at Allhia Charmaine Estores mula naman sa Mutya ng Pilipinas “Gold” batch ng 2018.

Ilang national titleholders din ang napabilang sa hanay ng mga kandidata ng 2023 Bb. Pilipinas pageant. Sila ay sina reigning Miss Bikini Philippines Zeah Nestle Pala, Miss Lumiere International World Philippines Julia Mae Mendoza, Miss Silka Katrina Anne Johnson, at Yesley Cabano na nagwagi sa reality TV show na “Pinay Beauty Queen Academy” noong 2015 na kumatawan sa Pilipinas sa Miss Bikini Universe contest noong taong iyon din.

Pinagigitnaan ang professional volleyball player na si Mary Joy Dacoron ng mga pageant veteran na sina Mirjan Hipolito (kanan) at Anje Mae Manipol./ARMIN P. ADINA

Sumampa na rin sa entabaldong pang-national ang reigning queens mula sa mga lalawigan—sina Miss Bicolandia Rheema Adakkoden, Miss Batangas International Paola Allison Araño, Bb. GenTri Alasha Reign Parani, Miss Iloilo Binibini Tracy Lois Bedua, at Miss Cagayan de Oro Pilipinas April Angelu Barro.

Kinoronahan na si Sharmaine Magdasoc bilang Miss Fashion World sa Malaysia noong 2019, ngunit sumasabak siya ngayon sa isang pambansang patimpalak.

Tatlo pang kalahok ang mula naman sa mundo ng sports at showbiz—ang professional volleyball player na si Mary Joy Dacoron, Viva artist na si Xena Ramos, at si Jessilen Salvador na kapatid ng aktres na si Maja Salvador.

Bb. Pilipinas candidate na ang kapatid ng aktres na si Maja Salvador na si Jessilen Salvador./ARMIN P. ADINA

Si Anna Valencia Lakrini mula Bataan ang natatanging nagbabalik sa Bb. Pilipinas pageant. Nagtapos siya sa Top 12 noong isang taon.

Hindi pa tinutukoy ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) kung ilang korona ang igagawad sa patimpalak ngayong taon, ngunit kinumpirma ni Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez na kokoronahan niya ang kaniyang tagapagmanang sasabak sa Miss Globe pageant.

Sinabi rin ni reigning Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo na excited na siyang makilala kung sino ang magmamana ng korona niya bago pa man makipagtagisan sa Miss International pageant sa taong ito rin.

Pansamantalang itinakda sa Mayo ang 2023 Bb. Pilipinas coronation night, at itatanghal ito sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City.

Read more...