Rockets, Pacers nasa Pilipinas na


NANDITO na ang Houston Rockets at Indiana Pacers sa Pilipinas para sa kauna-unahang NBA game na gaganapin sa bansa.
Ang dalawang koponan ay dumating kahapon ng umaga tatlong araw bago ang kanilang NBA preseason game sa Huwebes ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang Pacers ay dumating  sa bansa dakong alas-7 ng umaga habang ang Rockets ay lumapag naman dakong alas-10 ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport.

Ang basketball ang pinakasikat na sport sa Pilipinas at ang nasabing NBA game ay agad namang pinagkaguluhan sa social media, radio at TV kung saan ang mga ticket para dito ay maagang ibinenta ilang buwan bago ito ganapin sa bansa.

Ang Rockets ay pinangungunahan nina NBA All-Star players Dwight Howard at James Harden at ang sumisikat na sina Jeremy Lin at Chandler Parsons.

Ang Pacers ay pamumunuan ng mga All-Stars din na sina David West, Roy Hibbert, Danny Granger at Paul George. Ang dalawang koponan ay nakatakdang mamasyal sa Kamaynilaan at sumaglit sa mga basketball courts.

Magsasagawa rin sila ng ilang NBA Cares activities para sa mga kabataan sa Mall of Asia Arena at mga piling basketball courts.
May kabuuang 16,000 ticket na ang naibenta para sa larong gaganapin ngayong Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena kung saan ang mga premium seats ay umaabot sa P32,300 at ang pinakamura ay umaabot naman sa P550.

Ang Rockets-Pacers game ay bahagi ng Global Games schedule ng NBA kung saan walong koponan ang maglalaro sa  anim na bansa ngayong buwan.

Kasama rin sa nasabing schedule — na katatampukan din ng Chicago Bulls, Golden State Warriors, Los Angeles Lakers, Oklahoma City Thunder, Philadelphia 76ers at Washington Wizards — ang kauna-unahang NBA preseason game sa Brazil, at sa mga lungsod ng Bilbao, Spain, at Manchester, England.

Kasama rin dito ang mga larong gaganapin sa Istanbul (Turkey), Taipei (Taiwan), Beijing at Shanghai sa China.

( Photo credit to INS )

Read more...