Congratulations, Miguel Cotto

GENERAL SANTOS CITY — Maayong adlaw sa inyong tanan. Iyan po ang pagbati namin dito sa GenSan at ibang bahagi ng Mindanao at Visayas.

Patuloy ang paghahanda natin sa nalalapit na laban sa Nobyembre 23 (Nobyembre 24 Philippine time) sa Macau, China kontra sa Amerikano-Mexicanong si Brandon Rios.

Gaganapin ang laban sa Cotai Arena ng magara at malawak na Venetian Hotel sa Macau. Habang abala kaming lahat dito sa paghahanda kasama ang aking Philippine training team members, papunta na rin sa Pilipinas ang aking batikang maestro at trainer na si Freddie Roach.

Makukumpleto na rin sa wakas ang buong team at sa susunod na anim na linggo ay lilipad ang buong Team Pacquiao sa Macau upang makabawi at subukang makapagtala ulit ng dikit-dikit na panalo.

Labinlimang sunud-sunod na panalo ang naitala ko mula noong huli akong matalo kay Erik Morales noong 2005 at iyan ay nagdulot sa akin ng hindi mapapalitang katanyagan, karangalan at mga titulo.

Sa loob ng pitong taon, nakopo ng isang Filipino ang pinakamimithing best pound-for-pound boxer sa mundo at tiningala tayong lahat na may kahalong respeto at tumatayo ang bawat manonood habang kinakanta ang pambansang awit ng Pilipinas.

Naniniwala akong walang imposible, lalung-lalo na at kasama natin palagi ang Poong Maykapal na siyang nagbigay sa atin ng lahat ng mga biyayang ating nakakamit maging sa pang-araw-araw.

Buo ang aking loob na kaya nating makabalik mula sa pagkatalo, kasama na riyan ang dalawang magkasunod na pagkakalugmok noong isang taon.

Nitong nakaraang araw lamang, nakita ko ang pagbabalik ng isa sa aking magiting na katunggali — si Miguel Cotto. Mula rin sa dalawang magkasunod na talo si Cotto.

Nawalan din siya ng korona at minsan ay halos mawalan din siya ng pag-asa at tiwalang makakabalik siya sa tugatog ng tagumpay.

Sa tulong na rin siguro ni coach Freddie na siyang nagpanumbalik ng dating sigla, bilis, lakas at tapang ni Cotto kontra kay Delvin Rodriguez, nanalo si Cotto sa loob lamang ng tatlong round. Knockout ang kalaban.

Nagbalik ang kumpiyansa ni Cotto sa kanyang sarili at marami ang nagsasabing makakabalik siya sa paghahamon at paghahangad ng isang world boxing title sa lalong madaling panahon.

Naniniwala akong kaya ko ring makabalik sa dati nating kinalalagyan. Sa awa ng Mahabaging Diyos, magsisimula ulit tayo dito sa ilalim kahit na marami ang nagsasabing hindi na tayo makakabangon mula sa pagkatalo.

Ito lang po ang masasabi ko sa kanila: Ako po ay magsisikap muli at magsisimulang mangarap muli ng mas matayog na mga pangarap. Walang imposible sa Diyos na siyang aking sandalan, sandigan at kalasag.

Dumaan na po ako sa maraming unos ng buhay. Nalasap ko na rin ang pagkatalo at sa lahat ng pagkakataong iyon, nagsikap ako at nagbuwis ng buhay, pawis at dugo upang maiangat ko ang aking pamilya sa kahirapan.

Gaya ni Miguel Cotto, lahat tayo ay babangon muli. Nais kong makitang muli ang mga ngiti sa inyong mga mukha, kayong mga ginigiliw kong tagasubaybay, mga fans, mga kaibigan at mga kababayan.

Hanggang sa Muling Kumbinasyon. May Almighty God bless us all.

Editor: Kung may nais kayong iparating kay Manny Pacquiao, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0999-9858606 o 0927-7613906.

Read more...