MADARAGDAGAN ang mga koronang paglalabanan sa Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant ngayon buwan makaraang makuha ni national director Myla Villagonzalo Tsutaichi ang lisensya upang makapili ng kinatawan ng “land of the rising sun” para sa Mrs. Face of Tourism Universe contest.
Ibinahagi sa Facebook ng Mrs. Face of Tourism Philippines pageant, ang pambansang patimpalak ng Mrs. Face of Tourism Universe competition para sa Pilipinas, na itinalaga si Tsutaichi bilang national director para sa Japan ng pandaigdigang patimpalak. Tinatag ng Pilipinang pageant organizer na si Annie Refrea ang contest, na nakatakdang magtanghal ng una nitong edisyon ngayong taon.
Isang international beauty titleholder din mismo si Tsutaichi. Kinoronahan siya bilang Mrs. Tourism Ambassador International sa isang patimpalak na itinanghal sa Malaysia noong 2019.
Nang ilunsad ni Tsutaichi ang Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant noong isang taon, ibinahagi niya ang partnership sa Mrs. Tourism Ambassador Universe competition na nasa Malaysia, at sa Mrs. Universe (Official) contest na nasa Australia.
Sa pagkakaroon ng bagong prangkisa, in-update na rin ng pambansang patimpalak ang talaan ng mga titulong paglalabanan—ang Mrs. Tourism Ambassador International Japan, Mrs. Universe (Official) Japan, Mrs. Tourism Ambassador International Phil-Japan, Mrs. Universe (Official) Phil-Japan, at Mrs. Face of Tourism Japan.
Lalaban sa Mrs. Tourism Ambassador Universe pageant sa Malaysia sa Hunyo ang mga tatanggap ng mga titulong Mrs. Tourism Ambassador International Japan at Mrs. Tourism Ambassador International Phil-Japan.
Sasabak naman sa ikalawang edisyon ng Mrs. Universe (Official) contest na itatanghal sa Pilipinas sa Oktubre ang makasusungkit sa mga korona bilang Mrs. Universe (Official) Japan at Mrs. Universe (Official) Phil-Japan.
Wala pang nilalabas na iskedyul para sa Mrs. Face of Tourism Universe pageant, ngunit nagsagawa na ng screening ang pambansang patimpalak na Mrs. Face of Tourism Philippines. Sa Mrs. Tourism Ambassador International Japan contest naman, 12 kandidata na ang ipinakilala.
“They are very empowering, and have inspiring stories,” sinabi ni Tsutaichi sa Inquirer sa isang online interview. “Nagkaroon kami ng talk na bawat isa pinagsalita ko about their life story. Iba-iba ang kakapulutan nila ng aral,” pagpapatuloy niya.
Sinabi ni Tsutaichi na tinipon niya ang mga babae upang hikayatin silang suportahan ang isa’t isa. “Kaya masaya sila habang nagre-rehearsals,” ibinahagi niya.
Itatanghal ang unang edisyon ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant sa Minami Azabu sa Minato City sa Tokyo, Japan, sa Peb. 19, na kaarawan din ni Tsutaichi.