Target ni Tulfo by Mon Tulfo
BAKIT ba atat na atat si Vice President-elect Jojo Binay na sa puwesto ng Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG)?
The DILG is the most powerful position in the Cabinet since under it are the local government units (LGUs) and the Philippine National Police (PNP).
Gusto ni Binay na maging DILG secretary dahil mahahawakan niya ang mga governors at mayors at mga pulis.
Pero walang karapatan na magpilit si Binay na ibigay ni P-Noy ang DILG post sa kanya.
Una, hindi sila magkapartido.
Pangalawa at ang mas importante: Dapat ang puwesto ng DILG secretary ay ibinibigay sa madikit na kaalyado ng Pangulo.
Kung nanalo si Mar Roxas, na tumakbong bise presidente ni P-Noy, dapat sa kanya ang puwestong DILG secretary.
Mas maaasahan ni P-Noy ang loyalty ni Mar Roxas kesa kay Binay dahil sila’y magkapartido, magkaedad at magbarkada.
Si Binay, although tauhan ni yumaong Pangulong Cory, ay hindi naging madikit kay Noynoy.
Kung marunong tumanaw ng utang na loob si Binay sa mga Aquino ay dapat di siya tumakbo sa partido na kalaban ng partido ni P-Noy.
Dahil kay Pangulong Cory, naging mayor ng Makati si Binay.
Bago inapoint na Makati officer-in-charge si Binay, siya’y hindi kilala. Wala siya sa political “who’s who” ng lungsod.
Nang manalo si Binay bilang Vice President over Roxas, ang kanyang close rival, saka lamang sumipsip siya kay Noynoy.
Hindi dapat pangunahan ni Binay si Noynoy na iluklok siya sa DILG.
Kailangang hintayin niya ang bagong hirang na Pangulo na mag-alok sa kanya ng puwesto.
Napapaghalata tuloy na hindi siya dapat pagkatiwalaan sa puwesto ng DILG dahil baka gamitin niya ito sa pang-sariling kapakanan.
* * *
Kung tama ang mga balita, maganda ang pagkakapili ni P-Noy kay Mayor Jesse Robredo ng Naga City na maging DILG secretary.
Si Robredo, na tanyag sa kanyang honesty and integrity, ay kauna-unahang mayor na nakakuha ng Ramon Magsaysay Award.
Bukod sa DILG, maraming ibang puwestong dapat paglagyan kay Robredo gaya ng Department of Finance, na may hawak ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Lilinisin ni Robredo ang dalawang ahensiyang punong-puno ng mga mangungurakot na mga opisyal at empleyado.
Puwedeng gawin si Robredo na DILG secretary pansamantala habang ang one-year ban kay Roxas na mabigyan ng puwesto sa gobyerno ay di pa nagtatapos.
* * *
Nagalit si Pangulong Gloria sa kanyang mga alipores dahil hindi binigyan ng pagkain ang mga reporters na sumama sa kanya sa pagsakay ng train mula Calamba, Laguna hanggang Taguig City.
Ang pamunuan ng Philippine National Railways ang may pakana ng train ride ni GMA.
Ipinakita (raw) ni GMA ang kanyang malasakit para sa mga reporters na nagkober ng event nang pagalitan niya ang mga PNR officials sa hindi pagbigay ng pagkain sa mga reporters.
Si Ma’am naman, puwede nang maging Famas awardee for best acting.
Alam ng mga reporters na pakitang-tao lang ang kanyang malasakit.
Alam nila na hindi siya sinsero dahil siya’y matapobre.
Gusto lang ni GMA na maging malumanay ang pagtrato sa kanya ng mga reporters kapag siya’y nasa Kongreso na.
Ibig sabihin, nililigawan niya ang mga reporters ngayon na di niya ginawa sa kanyang termino na siyam na taon bilang Pangulo.
Ang pagiging matapobre ni Pangulong Gloria ay namana niya.
Noong Pangulo si Diosdado, walang mahirap na kamag-anak ni Cong Dadong na nakakatuntong sa Palasyo.
Bandera, Philippine News, 061710