INUSOG ng Miss Universe Philippines pageant ang deadline para sa mga aplikante nito sa patimpalak ngayong 2023. Maaari pang humabol hanggang Peb. 14 upang makapaghain ng requirements.
Nang unang nanawagan ng mga aplikante ang pambansang patimpalak noong Nobyembre, itinakda ang deadline sa Enero 29. Ilang araw makaraan ang orihinal na iskedyul, in-update ng organisasyon ang kalendaryo nito.
Magsasagawa ng face-to-face screening sa Peb. 13 at 14, at itinakda ang deadline ng paghahain ng aplikasyon sa Araw ng mga Puso.
Nakatakda ang “final selection” sa Peb. 15, kung saan matutukoy na ang mga magiging opisyal na kandidata.
Tinatanggap ng Miss Universe Philippines (MUPH) organization ang aplikante anuman ang civil status niya, alinsunod sa bagong alituntunin ng pandaigdigang patimpalak na nagpapahintulot sa mga naikasal na o nagsilang na ng anak na makalahok.
Walang ipinatutupad na height requirements, ngunit kailangang Filipino citizen ang aplikante, mula 18 hanggang 27 taong gulang.
Ito na ang ikaapat na edisyon ng unang hiwalay na pambansang patimpalak na pumipili sa magiging kinatawan ng Pilipinas Miss Universe pageant.
Itinanghal ng MUPH ang una nitong edisyon noong unang taon ng COVID-19 pandemic noong 2020.
Si Rabiya Mateo ang unang reyna ng MUPH, at sumabak siya sa ika-69 Miss Universe pageant sa Florida sa Estados Unidos noong Mayo 2021. Nagtapos siya sa Top 21.
Kinoronahang Miss Universe Philippines si Beatrice Luigi Gomez noong 2021, at nagtapos sa Top 5 ng ika-70 Miss Universe pageant sa Israel noong Disyembre 2021.
Lumahok si reigning Miss Universe Philippines Celeste Cortesi sa 2022 Miss Universe pageant na itinanghal sa New Orleans, Louisiana, sa US nitong Enero.