Jane de Leon nakaahon sa kahirapan dahil sa ‘Darna’: Natulungan ko ang pamilya ko, guminhawa po ang buhay namin
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Jane de Leon
NAIAHON ni Jane de Leon mula sa kahirapan ang kanyang pamilya nang dahil sa pagganap niya bilang bagong “Darna”.
Mixed emotions ang nararamdaman ngayon ng Kapamilya actress sa nalalapit na pagtatapos ng ABS-CBN primetime series na “Mars Ravelo’s Darna”.
Masaya na malungkot daw ang napi-feel niya ngayon pero sobra ang pasasalamat niya sa Kapamilya Network at sa Panginoong Diyos dahil sa pagkakataong ibinigay sa kanya para gampanan ang iconic role na Darna.
Sa naganap na finale mediacon ng serye kamakalawa, January 30, inalala ng dalaga ang lahat ng hirap at sakripisyo na ginawa niya para mabigyan ng hustisya ang paglipad bilang bagong Darna sa telebisyon.
Aniya, napakaraming nagbago sa kanyang buhay mula nang ipagkatiwala sa kanya ng network ang nasabing proyekto.
“Simula noong naging Darna po ako, una sa lahat, natulungan ko po yung family ko. Kahit papaano nakaahon po kami, guminhawa po yung buhay namin,” emosyonal na pahayag ni Jane.
Sa YouTube vlog ni Ogie Diaz na in-upload noong August 17, 2022, naikuwento rin ni Jane kung gaano kahirap ang buhay nila bago siya pumasok sa showbiz.
Okay naman daw noon ang buhay nila pero bigla nga itong nagbago nang maloko sa negosyo ang kanyang tatay. Mula noon hindi na raw ito nakapagtrabaho dahil sa matinding trauma.
“Wala talaga kaming makain, na asin na lang po talaga yung kinakain namin, ganyan. Asin, kasi walang-wala po talaga kaming pera.
“Nawalan ng trabaho si Papa, si Mama po ang nagtatrabaho para sa amin. Parang naging househusband si Papa. Minsan kapag walang-wala kami, siyempre suweldo ni Mama hindi naman enough sa amin.
“Minsan yung kinakain na lang namin, asin, tapos kung alam niyo yung toyo na may mantika,” pagbabalik-tanaw ng dalaga.
Para kay Jane, ang kanyang ina ang itinuturing niyang real-life Darna sa kanilang pamilya, “Si Darna sa puso ko is my mom talaga. Kasi, madami siyang sacrifices na ginawa for us and for my family.
“Nagpapasalamat ako kasi kung hindi dahil sa kanya, wala ako sa sitwasyon na ito,” aniya pa.
Nang dahil din daw sa “Darna” ay nakatagpo siya ng mga totoong kaibigan na matatawag na rin niyang ikalawang pamilya.
“I met a lot of people sa buhay ko kung sino talaga yung totoo and sobrang bihira lang po talaga sa showbiz makakilala ng mga totoong tao. Kaya sobrang nagpapasalamat po ako,” saad ng aktres.
At sa nalalapit na pagtatapos ng “Darna”, “It’s sad actually, kasi alam ko na marami pa kaming maibubuga and marami pa kaming kuwento na mase-share sa maraming tao.
“Pero siyempre, masaya rin ako kasi worth it lahat ng pinaghirapan ng mga tao sa Darna. Especially yung mga tao sa likod ng kamera.
“It’s been four years na nandito ako sa sitwasyon na ito and I’m glad na binigyan ako ng strength ni Lord na matapos itong show na ito,” sabi pa ni Jane.
Naibahagi rin niya kung anu-ano ang mga challenges na hindi niya makakalimutan sa pagganap bilang “Darna”, “Marami po, many to mention. Pero una sa lahat, yung mga tao na naging parte ng buhay ko ngayon. Mapa-direktor, staff, mga co-artists ko, and yung friendship hindi ko makakalimutan yon.
“Siyempre yung mga galos ko rin sa katawan. Sabi ko nga, pumasok ako sa Darna na makinis yung balat ko, lumabas ako na puro bugbog yung katawan ko. Marami pa po talaga, mukhang pinagdaaan ko na lahat,” chika pa ni Jane.
“Na-ER (emergency room) na ako and meron isang eksena ako with Josh (Joshua Garcia) na pagluhod ko sa kanya, hindi ko alam na merong parang pako na nakaangat. Tapos tumagos siya sa tuhod ko so dugo siya nang dugo kasi sobrang sakit, kasi sa may buto na siya banda.
“Pinipilit kong hindi umiyak, nagpapaka-strong ako pero ang sakit talaga so itinakbo ako ng ER for anti-tetanus.
“Nasuntok din ako ng stunt double ni Borgo (Richard Quan). Grabe yung iyak ko dun. First time lang akong nasuntok sa buong buhay ko. Dito talaga sa mukha ko yung pasa. Namaga yung mukha ko noong time na yun.
“Nu’ng natapilok ako, two days din kaming pack up. Super dami talaga. Meron pa sa daliri nasipa rin, so muntik na siya ma-injure. Pero tuloy pa rin naman ang taping. Tinatago ko na lang siya kapag may fight scenes.
“Accidents siya, e, hindi talaga siya maiiwasan minsan. Pero kailangan mag-ingat talaga,” aniya pa.