TIG-P300 milyon ang karaniwang tinanggap na PDAF at DAP ng mga senador na bumoto laban kay dating Supreme Court Chief Justice Reanato Corona sa buong impeachment year 2011, batay mismo sa records ng DBM.
Ang mga kongresista naman ay nakakuha ng tig-P10 milyon hanggang P15 milyon sa DAP , bukod pa sa regular nilang tig-P70 milyong PDAF noong panahon ding iyon.
Talagang bumabaha ang SARO o Special Allotment Release Order at pera ng mga legislators noon at ngayon. Ang binabantayan na lang natin ay kung ilan sa mga senador at kongresista na ito ang ipinasok ang kanilang PDAF at DAP sa mga BOGUS NGOs ni Pork Barrel queen Janet Lim-Napoles at sa ibang raketista.
Mistulang na-perfect na kasi ng mga kawatan sa gobyerno ang sistema kung paano peperahin ang mga SARO o pondo. Ika nga , maliwanag na CASH CONVERSION SYNDICATE” ang operasyon kahit pa may mga manufactured o imbento ang ilang dokumento. Isipin ninyo, automatic na 50 percent cash ang lagayan sa mga senatong at tongressmen. Sangkot din lahat ng dinadaanan ng mga dokumento, mula sa DBM, pati undersecretaries ng Department of Agriculture, Agrarian Reform at maging Commission on Audit pati private sector o mga opisyal ng bangko, kahit pa peke ang mga pirma sa mga vouchers at letters.
Talagang pinarte-parte ang mga pinaghirapan natin.
Nauna nang naidemanda sina Enrile, Jinggoy, Revilla dahil 2007-2009 o noong Arroyo administration pa lang ang sakop ng kaso. Paano naman iyong 2010-2011 at 2012 kung saan nagtuluy tuloy ang operasyon Napoles at ng kanyang mga bogus na NGO kahit nasa ilalim ng tuwid na daan ni Noynoy.
Nitong Biyernes, ibinulgar ng DBM ang 2011 letters nina Sotto, Marcos, Revilla , Enrile , Honasan at Jinggoy kung saan ang tig-|P 100-M galing sa DAP ay nabuhos sa mga gurpo ni Napoles. Ito’y sa panahong katatapos lang ng impeachment trial. Karamihan sa kanila ay nagsasabing pineke raw ang kanilang pirma. Bagay na hindi naman natin dapat paniwalaan agad.
Pero, ang nagtataka tayo ay kung bakit “piece-meal” o puro oposisyon lamang ang binubulgar ng DBM? May narinig na ba kayong miyembro ng Liberal Party na meron ding DAP na nakakuha ng tig-P100 milyon? Wala bang datos ang DBM kung meron ding napunta sa Cash Conversion syndicate ni Napoles? Naniniwala ba kayo na pawang mga oposisyon lang na senador ang naging kostumer ni Napoles at walang senador na kakampi ni PNoy na sabit sa sindikato?
Alam naman ng lahat na ‘close’ ang ilang mataas na opisyal ng PNoy administration kay ”Ma’m”’ Janet. Hindi ba’t andiyan ang mga haka-haka tungkol sa kanyang pag-surender, tapos and diumano’y special treatment ng PNP sa kanya sa Kampo Krame, tapos ang patuloy na pagharang ni Senate President Franklin Drilon na humarap si Janet sa Senate blue ribbon committee.
Alalahanin ang napakaraming litrato ni Janet at mag-asawang Drilon. Malapit din umano si Janet kay Executive Sec. Paquito Ochoa Jr. at may alingasngas na sa panahong mahuhuli na ito ng NBI , tumawag diumano si Ochoa kay NBI Director Nonatus Rojas para pigilan ito. Mga kwentong lalong nabaon sa misteryo nang magbitiw irrevocably si Rojas.
Sa ngayon, tatlo lang ang panggalingan ng katotohanan sa isyung ito. Una, si Napoles kung siya’y haharap sa Senate blue ribbon committe at magkumpisal siya sa bayan at ilahas ang tunay na mga pangyayari. Pero, ayaw ngang payagan di ba? Ikalawa, si COA chair Grace Pulido-Tan na magsasagawa ng imbestigasyon kung napunta nga sa Cash conversion syndicates ang PDAF at DAP ng mga mambabatas? At ikatlo, si DBM sec. Florencio Abad kung lahatan niyang ibubulgar ang pangalan at alokasyong tinanggap ng mga mambabatas, administrasyon man o oposisyon , na napunta kay Napoles at iba pa. .
Sa totoo lang, pera ng taumbayan ang ninakaw ng mga senatong at tongressmen na ito kasama na ang mga kasangkot nilang Cabinet members at kanilang undersecretaries ng Arroyo o maging ng Aquino Administration. Hindi na namin tinitingnan kung taga-oposisyon o taga-administrasyon ang nangurakot dito at dapat lamang na makulong.
Kailangang managot lahat ng nakialam sa pera natin. Ang kinaiinisan ng taumbayan ay ang patuloy na cover-up o pagtatangka ng Aquino administration na pigilan ang paglabas ng lahat ng impormasyon at katotohanan sa isyung ito. Hindi bat sa DAANG MATUWID, wala dapat tinatago?
Para sa komento at tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.