OPISYAL nang umupo sa trono bilang Miss USA ang first runner-up na si Morgan Romano kasunod ng paghirang kay R’Bonney Gabriel bilang Miss Universe ngayong buwang ito lang. Ngunit ilang ulat ang nagsabing nagbitiw ang bagong international beauty queen mula sa kaniyang national title kasunod ng kontrobersiyang kinasangkutan niya.
Hindi ganoon ang nangyari. Hindi kinailangang magbitiw ng Filipino-American na si Gabriel bilang Miss USA, sapagkat nakasaad sa mga alituntunin ng Miss Universe Organization (MUO) na dapat niyang ipaubaya ang pambansang titulo sa isang tagapagmana sa pangyayari na magtagumpay siya bilang Miss Universe.
Nakasaad sa ilang ulat na ang paratang ng pandaraya sa national pageant ang dahilan ng pasahan ng korona. Ilang natalong Miss USA contestants kasi ang nagparatang sa noon ay national director na si Crystle Stewart ng pagpabor kay Gabriel at pagbibigay sa kanya ng bentahe sa patimpalak. Nagsagawa ng imbestigasyon ang MUO at napatunayang patas ang pagkakapanalo ng reyna, ngunit tinanggal pa rin si Stewart sa kanyang puwesto.
Sinabi ng MUO, na may hawak sa mga naturang pandaigdigan at pambansang patimpalak, na hindi na ipagpapatuloy ni Gabriel ang pagtupad sa tungkulin bilang Miss USA upang makatutok siya sa pagiging Miss Universe. Ganito naman talaga ang kalakaran tuwing nagwawagi bilang Miss Universe ang kinatawan ng Estados Unidos.
Ngunit ito ang unang pagkakataon na sa isang pageant stage sa pagtatanghal ng isang patimpalak isinagawa ang paggawad ng korona sa bagong Miss USA na magpapatuloy na nalalabing panahon ng pagrereyna.
Sa magarbong paraan, rumampa si Romano suot ang bonggang pulang gown sa preliminary competition ng Miss Alabama USA at Miss Alabama Teen USA pageants. Doon, opisyal niyang tinanggap ang titulo bilang Miss USA mula kay Gabriel.
Ngunit hindi lalahok sa Miss Universe pageant si Romano, at ipagpapatuloy lang ang nalalabing mga buwan ng pagrereyna bilang Miss USA. Isang bagong reyna ang hihirangin na siyang sasali sa 2023 Miss Universe pageant.
Dati-rati, nagpapatawag lang ng press conference ang MUO upang ibahagi ang pag-upo ng isang bagong Miss USA. Nang nagwagi si Olivia Culpo bilang Miss Universe noong Disyembre 2012, iginawad kay Miss USA first runner-up Nana Meriwether ang pambansang titulo noong Enero 2013.
Noong 1997, pumalit si Brandi Sherwood bilang Miss USA nang nagwagi si Brooke Lee bilang Miss Universe. Noong 1995, nang masungkit ng yumaong si Chelsi Smith ang korona bilang Miss Universe crown, ipinagpatuloy ni Shanna Moakler ang nalalabing mga buwan ng pagreryena niya bilang Miss USA.
Nagmula sa North Carolina ang bagong Miss USA titleholder. Ayon sa organisasyon, nagboboluntir siya sa Project Scientist, isang “after-school program that provides a high quality STEM (science, technology, engineering, and mathematics) curriculum to young girls.”
Nakamit ni Romano ang isang bachelor of science degree sa Chemical Engineering mula sa University of South Carolina noong 2020, at kasalukuyang nagtratrabaho bilang application engineer sa RE Mason sa Charlotte, North Carolina.