HINDI man itinuloy ni Binibining Pilipinas first runner-up ang pagsali sa Miss Planet International pageant, isang Pilipina naman ang nakasungkit sa korona sa pagtatanghal ng patimpalak sa Phnom Penh, Cambodia, noong Enero 29.
Dinaig ni Maria Luisa Varela ang 13 iba pang kalahok sa pagtatanghal sa Koh Pich Theater upang manahin ang titulo mula kay Monique Best ng South Africa.
Maaalalang umingay ang pandaigdigang patimpalak noong huling kwarter ng 2022 dahil sa pag-atras ng maraming kandidata, kabilang si Budol. Nakarating na ang mga kinatawan sa kabiserang lungsod na Kampala at rumampa na sa ilang preliminary activities, nang maunsyami ito dahil sa napipintong kanselasyon.
Naunang itinakda ang pagtatanghal noong Nob. 19. Ngunit dahil sa Ebola outbreak, nagpasya ang lokal na organizer na i-postpone ang patimpalak na hindi naman talaga nakatakdang salihan ni Budol.
Nang hirangin siyang first runner-up sa pambansang patimpalak, walang international competition na nakalaan para sa kanya. Ngunit sinabi ng manager niyang si Wilbert Tolentino na nagpaalam siya sa Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) upang maipadala niya ang alaga sa isang pandaigdigang patimpalak. Pumayag umano ang organisasyon.
Nahanap niya ang Miss Planet International na si Shandy Montecarlo ang may hawak ng prangkisa. Nagkasundo silang dalawa na ipadala si Budol, at pinagsaluhan ang pagiging national director.
Ngunit palaban ngayon ang manager at nagbanta ng legal na aksyon sa Miss Planet International organization. Sinabi ng organizers sa isang Facebook post noong Dis. 20 na magpapatuloy ang patimpalak sa Phnom Penh, Cambodia, ngayong Enero. Sinabi naman ni Tolentino na hindi na niya ipadadala si Budol.
Noong Enero 20, sinabi ng Miss Planet International organization sa Facebook na kinikilala nito ang pagsali ni Varela bilang opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa patimpalak ngayong taon. Tinukoy din nito ang pagtatalaga kay Michael “Miki” Antonio bilang national director para sa Pilipinas para sa 2023.
Tumugon naman si Tolentino sa isang Facebook post at sinabing hawak pa rin niya ang “sole authority to appoint a representative for the country.” Wala pa siyang bagong pahayag makaraang magwagi si Varela sa Miss Planet International pageant.
Pumangalawa naman kay Varela sa patimpalak noong Linggo si Jemima Mandemwa mula Zimbabwe, habang pumangatlo naman si Ono Aya mula Japan.
Tinatag ang Miss Planet International pageant sa Cambodia noong 2019 upang isulong ang Sustainable Development Goals ng United Nations. Kabilang sa mga misyon ng patimpalak ang pangangalaga sa kalikasan at pagpuksa sa kahirapan.