2 Pinoy kinilala sa contest sa Malaysia

Vandave Paragas

Vandave Paragas/ARMIN P. ADINA

TINIPON ng I Am Model Search (IAMS) International contest ang ilang dosenang kalahok sa iba’t ibang kategorya para sa una nitong pagtatanghal sa Grand Pacific Hall ng Evolve Concept Mall Damansara sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong Enero 20, kung saan dalawang Pilipino ang tumanggap ng pagkilala.

Nakapasok sa Top 5 ng adult male category si Vandave Paragas, at nagtapos bilang second runner-up. Kinilala rin siya bilang Mister Photogenic. Samantala, hinirang naman bilang co-grand winner and isa pang Pilipino, si Mico Teng.

Subalit ipinagtaka ng marami kung paanong nasungkit ni Teng ang pinakamataas na parangal gayong hindi man lamang siya nakausad sa Top 5 ng adult male category kung saan nanguna ang Vietnamese na si Dii Nguyen na kasalo naman niya sa pagkilala bilang grand winner. Hindi pa naglalabas ang organisasyon ng paliwanag sa kakaibang pangyayari.

Marami rin ang nagulat sa pagsabak ni Teng. Ipinadala siya ng Great Man of the Universe Philippines organization, subalit hindi naman siya lumahok sa unang national competition nito noong Nobyembre.

Naghirang ang national male pageant organization ng 10 titleholders, ngunit hindi naman ito pumili ng isa man lang sa kanila upang ipadala sa IAMS International. Sa halip, kinuha nito si Teng na huling nakita sa entabaldo ng 2022 Mister International Philippines noong Hunyo kung saan siya nagtapos sa Top 10.

Mico Teng/ARMIN P. ADINA

Samantala, mahigit tatlong taon nang hinihintay ni Paragas ang pagkakataong maiwagayway ang bandera ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado. Isa siya sa mga nagwagi sa 2019 Misters of Filipinas pageant.

Bibitbitin sana niya ang Pilipinas sa Mister Tourism and Culture Universe contest sa Myanmar noong 2020, ngunit naunsyami ang patimpalak dahil sa COVID-19 pandemic. Hindi rin makapagtanghal ng patimpalak ang organisasyon doon dahil sa gulong pampulitika.

Sinabi ni Paragas na ipinadala siya ng Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation, organizer ng taunang Misters of Filipinas pageant, sa pandaigdigang patimpalak. Hinarap niya ang mga kawani ng midya sa isang pagtitipon bago tumulak pa-Malaysia upang ibahagi ang magandang balitang natupad na ang matagal na niyang pinakaaasam-asam.

Dumating ang pagkakataon makaraan ang tagumpay na pagsungkit ni reigning Misters of Filipinas king Jovy Bequillo sa titulo bilang Man Hot Star International sa unang pagtatanghal ng patimpalak sa Thailand nitong Disyembre.

Itatanghal naman ng Misters of Filipinas pageant ang ika-10 nitong edisyon ngayong taon. Nananawagan na ang PEPPS ng mga nagnanais maging provincial director o overseas Filipino community franchisees.

Read more...