Twice-to-beat asinta ng San Beda Red Lions

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4 p.m. Mapua vs San Beda
6 p.m. San Sebastianvs JRU
Team Standings: *San Beda (13-2); *Letran (12-3); *Perpetual (11-5); San Sebastian (8-6); EAC (8-8); JRU (6-8); Arellano (6-9); St. Benilde (5-10); Lyceum (5-10); Mapua (1-14)
* – pasok sa Final Four

PUPUNTIRYAHIN ng three-time defending champion San Beda ang unang twice-to-beat advantage habang tumatag ang paghawak sa mahalagang ikaapat na puwesto ang nais ng San Sebastian sa pagbabalik ng aksyon sa 89th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Unang sasalang sa aksyon ang Red Lions kontra sa nangungulelat na Mapua Cardinals sa ganap na alas-4 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Stags at Jose Rizal University Heavy Bombers dakong alas-6 ng gabi.

Ang San Beda (13-2), Letran (12-3) at Perpetual Help (11-5) ay nakapuwesto na sa Final Four ngunit ang makukuhang ika-14 panalo ng bataan ni Red Lions coach Boyet Fernandez ay magsisilbing tiket sa insentibo na ibibigay sa mangungunang dalawang koponan matapos ang eliminasyon.

Ang Altas ay puwedeng tumapos lamang ng hanggang 13 panalo upang maiwan sila ng Knights na magbabakbakan sa ikalawa at huling insentibo.

May pitong sunod na panalo sa second round, ang Red Lions ay nangibabaw din sa Cardinals sa unang ikutan, 78-53, para masabing disgrasya lamang ang magtutulak para manalo ang Mapua na mayroong 13-game losing streak.

Read more...