USA pa rin ang may pinakamahabang placement streak sa Miss Universe

Reigning Miss Universe R’Bonney Gabriel/ANNE JAKRAJUTATIP FACEBOOK PHOTO

Reigning Miss Universe R’Bonney Gabriel/ANNE JAKRAJUTATIP FACEBOOK PHOTO

USAP-USAPAN na ang pagtatapos ng 12-taong walang-patid na pagpuwesto ng Pilipinas sa Miss Universe pageant ngayong taon, ngunit hindi pa rin ito ang pinakamahabang streak na naitala sa pandaigdigang patimpalak.

Nagsimula ang Miss Universe streak ng Pilipinas noong 2010 kay Venus Raj, na fourth runner-up sa patimpalak na itinanghal sa Las Vegas, Nevada, sa Estados Unidos noong taong iyon. Highlight ng mahigit isang-dekadang kampanya ng Pilipinas ang pagsungkit sa korona nina Pia Wurtzbach noong 2015 at Catriona Gray noong 2018.

Ilang Pilipina pa ang nakapasok sa winners’ circle—sina third runner-up Shamcey Supsup noong 2011, first runner-up Janine Tugonon noong 2012, at third runner-up Ariella Arida noong 2013.

Nasa Top 5 noong 2021 si Beatrice Luigi Gomez, habang nagtapos naman sa Top 6 si Maxine Medina noong 2016. Nakapasok naman sa Top 10 si Mary Jean Lastimosa noong 2014 at Rachel Peters noong 2017.

Venus Raj,  Miss Universe 2018 Catriona Gray, Miss Universe 2013 third runner-up Ariella Arida, Miss Universe 2011 third runner-up Shamcey Supsup and Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach–ARMIN P. ADINA

Nagtapos sa top 20 si Gazini Ganados noong 2019, at nasa Top 21 naman si Rabiya Mateo noong 2020. Bigong makausad sa semifinals si Celeste Cortesi sa katatapos na patimpalak sa New Orleans, Louisiana, noong Enero 14 (Enero 15 sa Maynila)

Kahanga-hanga man ang 12-taong streak, malayo pa rin ito sa naitalang 22 walang-patid na pagpuwesto ng US mula 1977 hanggang 1998.

Nagtala rin ang US ng 18-taong streak mula 1958 hanggang 1975, at hawak nito ang kasalukuyang aktibong pinakamahabang streaksa Miss Universe na nagsimula noong 2011 at naipagpatuloy ng kakokoronang reynang si R’Bonney Gabriel.

Hawak din ng US ang record sa pagkakaroon ng pinakamaraming Miss Universe winners na may siyam na reyna, kasunod ang Venezuela na may pitong panalo.

Venezuela rin ang nagtala ng pangalawang pinakamahabang walang-patid na pagpuwesto sa Miss Universe pageant, 21-taon mula 1983 hanggang 2003.

Sa katatapos na patimpalak, sinabi ni Gray, na isang backstage correspondent: “Guys, you are not alone. The Philippines, Thailand, Mexico, Indonesia, I know you might be really feeling a bit disappointed right now, but we always have next year.”

Read more...