LA SALLE humirit ng WINNER-TAKE-ALL

Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. UST vs La Salle

MAGKAKAROON pa ng ikatlo at huling tagisan ang University of Santo Tomas at De La Salle University para malaman kung sino sa kanila ang kikilalanin bilang kampeon sa 76th UAAP men’s basketball.

Gumamit lamang si Green Archers coach Juno Sauler ng pitong manlalaro at sapat ito para maitala ng koponan ang 77-70 panalo sa Growling Tigers at maitabla ang serye sa 1-1 matapos ang Game Two kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Pinatahimik ng Archers ang libu-libong panatiko ng Tigers na nangarap na makita na makumpleto ng UST ang kasaysayan sa liga gamit ang mga runs para magkaroon pa ng buhay ang paghahabol sa kampeonato.

Nanalo ang UST sa unang pagtutuos, 73-72, para mamuro na maging kauna-unahang fourth ranked team na hiranging kampeon sapul nang gamitin ng UAAP ang  Final Four.

Pero nangapa ang mga kamador ng Tigers habang buong giting na ipinakita ng pitong Archers ang puso nang dominahin ang rebounding at assists para katampukan ang panalo.

“Yes, rebounding was a key to our victory. It was my choice to use seven players but we only scored 13 points in the final period. I felt we could have done better but maybe they became tired,” wika ni Sauler na nasa unang taon bilang mentor ng La Salle.

Si Norbert Torres ay bumangon mula sa dalawang puntos sa Game One sa 16 puntos, 10 rebounds, pito sa offensive, at tatlong blocks upang suportahan ang 19 puntos ni Jeron Teng.

May 14 at 10 rebounds pa sina Arnold Van Opstal at LA Revilla para tulungan ang La Salle sa 57-39 bentahe sa boards, kasama ang 27-10 sa offensive rebounds.

Read more...