Abusado at ma-eepal na mga Palace officials

HINDI mamatay-matay ang balita tungkol sa “bawal na pag-ibig” na namamagitan sa dalawang opisyal ng Malacañang.

Kung noon ay nakikita ang dalawa na nagdi-date sa Makati, nag-level up na ang dalawa. Lumabas na sila ng bansa! Usap-usapan kasi na nagtungo ang dalawa sa South Korea, in preparation sa pagbisita rito ni Pangulong Aquino sa Oktubre 17. At batay sa standard operating procedures, may advance party na pumupunta sa mga bansang kanyang pinupuntahan para masigurong maayos ang lahat bago pa man bumiyahe ang pangulo.

Karaniwan na pumupunta para sa advance party ay mga miyembro ng MARO o Media Accreditation and Relations Office (MARO). Ngunit imbes na mga MARO ang nag-advance party, ang dalawang opisyal daw ang pumunta sa South Korea. At ang chika daig pa ang mga nag-honeymoon nang dalawang ito.

Taken na pareho ang dalawang opisyal, meaning may kanya-kanyang sabit na ang mga ito. Aware ang dalawa hinggil sa kumakalat na isyu hinggil sa kanilang relasyon ngunit kapwa nila ito itinatanggi.

Boss ng babaeng opisyal ang lalaking opisyal. May mga pagkakataon na nakikita pa ang opisyal na babae na nagdadala ng mga lulutuin sa umaga para ipagluto ang kanyang boss. Isang dahilan kaya nauubos ang oras ng babae ay dahil sa pagaasikaso sa kanyang boss kaya wala nang panahon para gawin ng maayos ang kanyang trabaho. Hulaan nyo lang kung sino ang tinutukoy ko.

SINO naman itong isa pang opisyal ng Malacañang na sunod-sunod ang pang-aaway sa mga miyembro ng media sa Twitter? Sa briefing ay maayos namang kausap ang opisyal, bagamat kadalasan ay wala ring mapiga sa kanyang mga sagot.

Nagulat ang isang reporter, nang banatan siya sa twitter hinggil sa itinanong niya sa briefing. Dahil sa mga paandar ng opisyal sa kanyang Twitter, hindi nakatiis ang reporter at makipag-sagutan sa nasabing opisyal sa Twitter.

Ang siste kasi, sa mga tagapagsalita ni Pnoy, kapag tinatanong sila ng mga mamamahayag ay masyado nilang pinipersonal.

Mga sir at mam, dapat niyong malaman na nagtatanong ang mga reporter para sa opisyal na posisyon ng Malacañang at hindi para kayo personalin.

Ang trabaho ng mga mamamahayag ay magsulat ng balita, samantalang kayo ay ibigay ang opisyal na pahayag ng Malacañang bilang mga tagapagsalita ni PNoy.

Hindi lamang dun natapos yun. Isa na namang miyembro ng media ang binanatan nito at nakasagutan ng opisyal sa Twitter.
Paano ba naman, nagbriefing ang opisyal hinggil sa mga pinirmahan ni PNoy, ang problema hapon ay wala pa ring ibinababang kopya ng bagong batas, kahit ang numero na lamang nito.

Sa inis ng reporter ay nag-tweet ito tungkol sa kabagalan ng sistema sa Palasyo. Sumagot ba naman ang opisyal at “nang-away”.

Namagitan lamang ang isang opisyal ng MPC, para mapahupa ang sitwasyon.

Aba! Sino ba naman ang hindi maiinis sa kabagalan ng mga opisyal ng Malacañang, lagi silang nahuhuli sa pagpapalabas ng mga appointment papers gayong sa Malacañang nanggagaling ang mga dokumento.

Isa nang halimbawa rito ay ang pagtatalaga ni PNOY ng bagong presiding justice ng Sandiganbayan. Ang tangi na lamang gagawin nila ay kumpirmahin ang inihayag ng Korte Suprema ay hindi pa makumpirma ng maayos. Umuusok na ang balita tungkol sa appointment hapon pa lang, pero pasado alas-6 na nang makumpirma!

Kung minsan abusado na itong mga maangas na tao ng Malacañang. Sa tingin kasi nila hindi sila babanggain dahil popular na popular ang boss nilang si PNoy. Mahiya naman kayo, si Noynoy na lang ang nagdadala sa inyo.

Para sa komento at tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374

Read more...