Miss Universe preliminary swimsuit competition may ipinaglalaban

Binabantayan ni Celeste Cortesi ang paglalapat ng kamay sa balabal niya sa pagdalaw niya sa Marawi City kamakailan.

Binabantayan ni Celeste Cortesi ang paglalapat ng kamay sa balabal niya sa pagdalaw niya sa Marawi City kamakailan./MISS UNIVERSE PHILIPPINES FACEBOOK PHOTO

 

ISA ang swimsuit competition sa pinakaaabangang bahagi ng isang beauty pageant, at kalimitang itinatampok dito ang pangangatawan ng mga kandidata. Ngunit ginamit ito ng Miss Universe pageant ngayong taon upang palutangin ang isa pang bagay—ang adbokasiya ng mga kalahok.

Ang dating nasisilayan lang tuwing question-and-answer round o sa pre-taped interview segments umalingawngaw na sa pagrampa sa swimsuit ng mga kandidata sa preliminary competition sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos noong Enero 11 (Enero 12 sa Maynila).

Isa-isang naglakad ang 84 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo suot ang kanilang swimsuit at balabal mula sa official swimsuit provider, si 1995 Miss World Jacqueline Aguilera mula Venezuela. Ngunit kapansin-pasing magkakaiba ang kulay at disenyo ng mga balabal, may palamuti pa nga ang ilan. May espesyal na dahilan kung bakit ito nangyari.

Ipinadala ng Miss Universe Organization (MUO) ang mga balabal sa mga kandidata sa kani-kanilang mga bansa nang maaga at sinabihan silang disenyuhan ang mga ito alinsunod sa mga adbokasiyang pinakamalapit sa kanilang puso, o mga usaping panlipunang nais nilang itampok sa pandaigdigang entablado.

Rumampa si Celeste Cortesi mula Pilipinas sa kulay rosas niyang two-piece swimsuit at may puting balabal na may marka ng mga kamay sa iba’t ibang kulay. Sinabi umano niya ayon sa Miss Universe Philippines (MUPH) organization, “in amplifying the voices of the children who need our help, I wanted to bring them with me on the Miss Universe stage. The imprints all over the cape remind me that having a title means to have a purpose beyond myself.”

Nagpunta si Cortesi sa Lanao del Sur kasama sina Miss Universe Philippines-Charity Pauline Amelinckx at Miss Charm Philippines Annabelle McDonnell noong isang taon para sa isang exposure trip sa Marawi City at sa bayan ng Marantao para sa Save the Children Philippines.

Reigning Miss Universe Harnaaz Sandhu/ARMIN P. ADINA

“Having talked to some of the mothers of the [child] beneficiaries, I was reminded of my own mother who struggled to provide for my sister and I. Unfortunately, there are millions of children who live in poverty amidst crisis. I hope that it inspires people to donate to Save the Children Philippines,” sinabi umano ni Cortesi.

Samantala, muling nasilayan si Angela Ponce, ang unang transgender woman na nakaabot sa pandaigdigang entablado ng Miss Universe pageant, sa pamamagitan ng balabal ng kababayang si Alicia Fabuel. Buong pagmamalaking iwinagayway ng kasalukuayng reyna ng Espanya ang balabal niya sa mga manonood, ipinakita ang iconic na larawan ng 2018 predecessor niya na hawak ang Spanish flag at nakasuot ang sash na taglay ang pangalan ng bansa nila. May bahaghari ring ipininta sa tabi ng mukha ni Ponce.

Ginamit naman ng may lahing Pilipino na si R’Bonney Gabriel mula US ang balabal upang tanungin ang madla, “If not now, then when?” Isinusulong niya ang sustainable fashion. Panawagan naman ni Viktoria Apanasenko sa mga manonood sa buong mundo: “Be brave like Ukraine.”

Rumampa rin sa kani-kanialng mga evening gown ang mga kandidata sa preliminary competition show kung saan nag-host si reigning Miss Universe Harnaaz Sandhu. Kokoronahan niya ang tagapagmana niya sa Enero 14 (Enero 15 sa Maynila) sa New Orleans Morial Convention.

Read more...