Text at photos ni Ervin Santiago
KITANG-KITA sa itsura ng hunk actor na si JC de Vera ang kaligayahan nang makausap natin siya nang seryososan kamakailan. Mas lalong gumuwapo si JC ngayon at talagang hindi matatawaran ang ganda ng kanyang katawan.
Isa lang ang ibig sabihin niyan – maligaya si JC sa kung anumang nangyayari ngayon sa kanyang buhay, lalo na sa kanyang showbiz career. Humahataw ngayon si JC sa TV5, bukod sa regular shows na ginagawa niya sa Kapatid network, tatlo-tatlong pelikula ang sabay-sabay niyang gagawin, kabilang na diyan ang kauna-unahang movie na ipo-produce ng TV5 Productions.
Kaya wala raw pinagsisisihan si JC sa ginawa niyang paglayas sa GMA 7 at sa paglipat niya sa TV5. Sabi nga ni JC, “Mas magaan ang feeling ko rito. Mas masaya ako!”
Narito ang kabuuan ng one-on-one interview namin kay JC de Vera.
BANDERA: Bakit tahimik ang lovelife mo ngayon?
JC DE VERA: Well, obviously walang oras, tsaka if ever man na magkakaroon ako ng lovelife, iki-keep ko muna siya sa sarili ko, gagawin ko muna siyang private kumbaga.
B: So, isi-secret mo muna sa mga tao?
JDV: Hindi naman sa secret talaga, before naman naging vocal naman ako pagdating diyan, e. But this time sa dami ng work na ibinibigay sa akin ng TV5, parang kailangan ko munang ibigay ang buong puso ko sa mga ginagawa ko para lang hindi ako ma-distract.
B: No girls at all muna ang drama mo ngayon?
JDV: Meron akong mga friends na girls, pero ‘yung pagdating sa date-date na ganyan, hindi pa talaga. Wala pa. Yung free time ko kasi, sa halip na lumabas o gumimik, itinutulog ko na lang.
B: Hindi ba malungkot, hindi ba boring ang walang girlfriend?
JDV: Hindi naman po, kasi parang ngayon ko lang na-experience ‘yung ganitong grabeng trabaho, e. yung load of work na ganito, ngayon ko lang nararamdaman na talagang artista ako dahil wala na talaga halos akong pahinga. Tuwang-tuwa ako, e. Kahit nga sobrang pagod ako, wala akong kahit konting salita na “Ayoko na, ayoko na pagod na ko. Pass muna ako diyan!” Basta may trabahong ibinibigay sa akin, go lang ako nang go.
B: Magpapayaman ka muna bago ka manligaw?
JDV: Hindi naman sa magpapayaman, gusto ko lang talaga na magtrabaho, e. Wala akong gustong gawin ngayon, kundi mag-work. Tsaka hindi talaga ako after du’n sa fame, hindi ako nagwo-work para sumikat lang, ginagawa ko ‘to, kasi kailangan kong i-enjoy ito kasi iniisip ko rin yung para sa future ko. Kasi, parang ako, 24 na ako, after three years, 27 na ako, siyempre, parang mag-iisip ka na, para sa future family mo, kailangan meron ka nang naipundar para sa sarili mo, like sarili mong bahay, investments, so, ano, e, mahirap. Hindi mo talaga basta maitatapon lang yung ganitong opportunities.
B: Wala bang kinalaman si Annabelle Rama sa desisyon mo na huwag munang makipag-girlfriend?
JDV: A, wala, wala! Si tita Annabelle naman basta huwag lang maaapektuhan ‘yung trabaho ko, okay lang naman sa kanya. And ‘yun nga, before inaamin ko naman, talagang apektado ang trabaho ko dahil diyan, so, ngayon, mature enough na ako para mag-decide para sa sarili ko, so ngayon, hindi na muna talaga papasok sa isang commitment.
B: Sa sobrang busy mo ngayon, wala ka na rin bang time para sa family mo?
JDV: ‘Yun lang ang medyo problema ko. Pero I make sure talaga na kahit once a week, magkasama-sama kami. Iba pa rin kasi yung may regular bonding ka with your family and friends na rin. Basta hangga’t kaya pa, I spend time with my family. I know naman na naiintindihan nila ‘yung trabaho ko.
Kahit nga ‘yung mga kaibigan ko sa kabilang station (GMA 7) hindi ko na din nakakausap, hindi na kami nakakagimik dahil sunud-sunod na ‘yung trabaho ko sa TV5. Pero hindi naman ako nagrereklamo, kasi trabaho to, e. Ito naman talaga ‘yung gusto ko.
B: Ano’ng feeling na parang ikaw ang prinsipe sa TV5, wala kang karibal sa puwesto mo?
B: Parang ganu’n nga. For me, masarap lang ‘yung pakiramdam na wala kang kakumpetensiya at parang ginagawa mo ang trabaho mo na wala kang nasa isip na competition. Ang sarap ng feeling na inaatupag mo lang ang sarili mong work, na wala kang iniisip na ratings o ‘yung dapat talunin mo ang show na ito. Masarap yung basta work lang ang iniisip mo.
B: Hindi ka ba natatakot na baka hindi mo ma-meet ang expectation ng bago mong network?
JDV: Inaamin ko, sobrang pressured ako. Sino bang artista ang hindi kapag ganitong kalalaking projects ang ipinagkakatiwala sa ‘yo, di ba? Pero mas lamang ‘yung excitement kesa sa kaba. Kaya ang nasa isip ko lang, kailangang ibalik ko sa kanila kung ano ‘yung importance na ibinibigay nila sa akin. Pero ang sarap nu’ng feeling na espesyal ka talaga.
B: Nakikita mo ba ang sarili mo na one day ay ka-level ka na nina Dingdong Dantes at Richard Gutierrez pagdating sa pagiging leading man status?
JDV: Hindi naman masama ang mangarap, di ba? Wala namang bayad ang mangarap. Inaamin ko, talagang ‘yan ang lagi kong pinagdarasal. Tulad ng lagi kong sinasabi simula nu’ng lumipat ako sa TV5, sana sa paglaki pa ng network na ito ay makasabay din akong lumaki. Lahat naman ng artist nabibigyan ng chance na i-prove yung sarili nila, kung ano ba talaga ang kaya nilang gawin.
Parang tine-take ko ito as a big challenge talaga. Kasi alam kong magiging mahirap para sa akin. Pero ang lagi kong iniisip, at least ngayon, nandito na ako. Ang kailangan ko lang gawin ay pagbutihin ko ang trabaho ko para patunayan sa lahat na karapat-dapat ako sa importansiya at tiwalang ibinibigay nila sa akin.
B: May sama ka pa ba ng loob sa GMA 7?
JDV: Sa totoo lang, wala na. Sabi ko nga, para akong ipinanganak uli. Whatever happened noon, iniwan ko na, past is past ika nga. Parang brand new life, fresh start para sa akin. Ibang environment, iba-ibang tao ang nakakasama ako, different bosses and staff, pero aaminin ko, magaang talaga ‘yung pakiramdam ko rito.
Pero siyempre, napakalaki ng tinatanaw kong utang na loob sa GMA, at hindi ko kakalimutan ‘yun. Nagkapangalan ako dahil sa GMA at sobrang ipinagpapasalamat ko ‘yun. At ngayong nasa TV5 ako, gagamitin ko ang mga natutunan ko para mas maging magling na artista.
Bandera, Philippine Entertainment, 061510