“Dahil sa Juan dela Cruz hindi lamang ako nakapagpapasaya ng kapwa dahil sa pagiging aktor ko kundi kakaibang saya ang naidudulot sa akin kapag naituturing akong inspirasyon ng ibang tao, lalo na ng mga kabataan.”
‘Yan ang unang pahayag ni Coco Martin sa thanksgiving presscon ng Juan dela Cruz kamakailan.“Nagpapasalamat ako sa pagkakataong naibigay sa akin ng show na personal na makadaupang-palad ang viewers namin at makapagbahagi na rin ng tulong sa kanila sa abot ng aking makakaya,” dagdag ni Coco.
Nagkaroon kasi ng “Juan Fun Day” advocacy ang JDC kasabay ng My Little Juan ni Izzy Canillo na naging dahilan nga kaya maraming mga estudyante sa pampublikong paaralan ang meron nang mga gamit pang-eskuwela.
Samantala, nang matapos ang question and answer ay tinanong si Coco tungkol sa anak niya sa aktres na si Katherine Luna? Kamakailan ay kinlaro na ng manager niyang si Biboy Arboleda na hindi si Coco ang tunay na ama ng bagets base na rin sa resulta ng DNA.
“Bilang lalaki, may gusto akong protektahan, lalong-lalo na ‘yung bata. Siguro, hindi ko na sasagutin ‘yan kung ano man ‘yan. Sa akin naman, ‘yung consciousness ko, nandiyan pa rin, pero ako na ang bahalang mag-handle ng bagay na ‘yan,” esplika ni Coco.
Sa madaling salita ay malaking tinik sa lalamunan niya ang nawala ngayon dahil nalaman na niya ang buong katotohanan? “Honestly, hindi siya tinik.
Hindi ko siya tinratong tinik sa buhay ko, trinato ko siya bilang blessing kasi isa ‘yun sa nagpatibay sa akin kung nasaan man ako ngayon.,” paliwanag ng aktor.
Samantala, tumagal ng siyam na buwan sa ere ang Juan dela Cruz at inamin ni Coco na malungkot siya sa pagtatapos ng serye dahil naaalala niya ang mga hirap na dinaanan niya.
“Kung nasaan man ako ngayon, ito po ‘yung mga produkto ng mga pangarap ko noon. Kung anu-anong raket ang ginagawa ko noon hanggang sa napunta ako ng Canada, dahil naghahanap ako ng oportunidad.
Kasi po, sabi ko noon, kahit anong trabaho, basta bigyan n’yo ako ng regular na trabaho. Kahit hindi ako matulog, gagawin ko ‘yan.
“Kaya nang dininig po ng Diyos, binigyan Niya ako ng trabaho, ‘O, gusto mo, wag kang matulog,’ talagang hindi niya ako pinatulog. Kaya sabi ko sa sarili ko, bakit ako aangal, bakit ako tatanggi sa trabaho?
“Kasi, dati po talaga, kung alam n’yo lang ang experience na pinagdaanan ko. Namimigay ako ng fliers sa mall, namimigay ako ng candies sa gasoline station, nagkakabit ako ng posters, ng taurpaline sa mga bar.
Naranasan ko po ‘yan noong araw,” naluluhang kuwento ni Juan. At nagbalik-tanaw si Coco na noong wala pa siyang pangalan at nag-uumpisa pa lang na gumawa ng indie films ay nakabili na siya ng tatlong trycicle dahil maski raw wala siyang regular na trabaho ay may pagkukunan sila ng pagkain sa araw-araw, “Three hundred pesos po isang araw ang kita (24 oras),” say ng aktor.
Pagkatapos ng tatlong traysikel ay nakabili naman siya ng pampasaherong dyip na ang tatay niya ngayon ang namamasada. Ngayong may pera na ang aktor ay pinagawan niya ng bahay ang buong pamilya na nasa iisang compound para nga naman hindi na sila magkakahiwalay.
Actually, hindi pa raw tapos ang landscaping sa bahay nila, “Malapit-lapit na rin po, mga 90 percent na. Ano po ‘yun, matagal din kasi ipon-ipon muna bago gawin.”
Kaya raw sa iisang compound nagpagawa ang aktor ng bahay nilang pamilya ay para nagkikita at nagkakasama-sama sila araw-araw dahil nga wala na raw oras si Coco na umalis pa.
( Photo credit to Google )