MULA nang sumabak siya sa pageantry noong 2019, tinawag nang “Queen Clau” si Marjorie Barillo Orito. Ipinaliwanag niya kamakailan sa isang pangkat ng mga taga-midya kung bakit nga ba napakalayo ng palayaw niya sa tunay niyang pangalan.
“Actually tinawag lang ako dati [na ‘Clau’] kasi medyo tisayin ako, tinawag na akong Claudia Zobel. ’Di ba maagang namatay si Claudia Zobel, ‘ikaw na lang ang pumalit kay Claudia Zobel, mag-artista ka rin.’ Sabi ko ‘no na lang’ kasi wala nga sa plano kong maging artista. So tinawag nila ako laging ‘Clau, Clau’ kasi matangos nga raw ang ilong ko, then medyo hawig ko raw si Claudia Zobel,” sinabi ni Orito sa Inquirer sa isang send-off press conference sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City noong Enero 8.
Ang 34-taong-gulang na ina ng dalawang batang babae mula Olongapo City ang kinatawan ng Pilipinas sa 2022 Mrs. International Global pageant sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ito ang pangalawa niyang pandaigdigang patimpalak. Nauna siyang sumali sa 2019 Mrs. Asia Pacific pageant, na itinanghal din sa kabisera ng Malaysia.
“Nakapasok ako sa Top 10, may special award din, Mrs. Charming Asia Pacific,” ibinahagi ni Orito patungkol sa una niyang pandaigdigng patimpalak, kung saan lima sila mula sa Pilipinas na lumahok.
Ngayon, siya ang nag-iisang kandidata mula Pilipinas. At kung nakadagdag man ito ng pressure, sinabi ni Orito na matagal na niya itong pinaghahandaan. “Ako kasi, committed na ako dito, since 2019 plan na talaga namin na mag-join ako. Plus, last chance ko na para sa pagpa-pageant. this is my last pageant so kailangan nang galingan,” aniya.
Si Lovely Tajan, na kinoronahan bilang Mrs. International Universal sa huling pagtatanghal ng pandaigdigang patimpalak noong 2019, ang nagtalaga sa kanya sa paligsahan.
Ngayong napakarami nang mga patimpalak kung saan-saan, na para sa napakaraming kategorya ng mga kalahok, sinabi ni Orito na may lugar pa rin sa lipunan ang isang “Mrs.” pageant. “The most important is i-show mo ang talent mo sa kanila, sa lahat, na hindi ka mahihiya, na hindi ka maiilang,” aniya.
Ngayong tatanggap na rin ang Miss Universe pageant ng mga kandidatang kasal na o may anak na, sinabi niyang maipakikita nito sa single ladies na walang deadline ang pagpupursigi. “Take the chance na maipagpatuloy ang dream, ’di ba never ending naman ang pangarap? Continue lang, pwede namang mag-join kahit nga may anak eh or kasal ka na. Basta continue lang ang dreaming,” ipinaliwanag niya.
Itatanghal ng Mrs. International Global pageant ang edisyon nito para sa 2022 sa HGH Convention Hall sa Kuala Lumpur sa Enero 13, alas-7 ng gabi.