NASA labas na ng bansa ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) na nasa Mindanao.
Ngunit ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible pa rin ito muling pumasok ng ating teritoryo ating patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa.
Sa ngayon, ang tinatawag na “trough” o buntot ng LPA ang nagdudulot ng mga pag-ulan.
Sey ni Weather Specialist Grace Castañeda sa isang press briefing ngayong January 8, “Kagabi ng alas otso, ‘yung low pressure area na mino-monitor natin ay nasa labas na nga ng ating area of responsibility at ayon sa ating latest analysis ay nananatiling mababa ‘yung tsansa nito na maging bagyo at nananatili din na pabago-bago ‘yung pagkilos nitong low pressure area na ito kaya hindi natin inaalis ‘yung possibility na sa mga susunod na araw ay pumasok itong muli sa loob ng ating area of responsibility.”
“Sa kasalukuyan, bagamat nasa labas na nga ito ng PAR, ‘yung trough ng low pressure area nito ay patuloy nga na nakakaapekto at nagdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, maging sa Southern portion ng Palawan,” ani pa ni Castañeda.
Bukod sa LPA, nagbabala din ang PAGASA na magpapa-ulan din ang hanging amihan sa Luzon na posibleng magdulot ng mga pagbaha.
“Samantala, ang northeast monsoon naman o amihan ay patuloy na nakakaapekto sa bahagi ng Luzon kung saan dala pa rin nito ‘yung malamig na panahon at meron din itong dalang pag-ulan, lalong-lalo na ‘yan dito sa silangang bahagi ng Luzon,” sabi ng PAGASA.
Speaking of baha, mahigit isang libong katao o halos 400 na pamilya na ang inilikas sa mga evacuation center sa probinsya ng Aurora at Bulacan.
Ayon sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), 98 families o 340 na katao sa mga bayan ng San Luis, Maria Aurora, Baler, Dinalungan at Dilasag ng Aurora province ang nananatili sa 12 evacuation centers as of 6am nitong Sabado (Jan. 7).
Habang umabot na sa 300 na pamilya o 925 katao mula sa bayan ng Angat at Norzagaray ang nasa evacuation centers.
Read more: