Jojo Bragais hindi agad napa-‘yes’ ng Miss Universe Organization

Jojo Bragais hindi agad napa-'yes' ng Miss Universe Organization

Jojo Bragais (L) and Miss Universe Philippine Celeste Cortesi | PHOTOS: ARMIN P. ADINA

ILALABAS na mamayang gabi ng Pilipinong pageant shoe emperor na si Jojo Bragais ang bidyong nagsasalaysay sa kuwento sa likod ng sapatos na “Maureen” na gagamitin sa ika-71 Miss Universe pageant. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, inabot nang ilang buwan bago siya nagpasyang muling sumali sa pandaigdigang patimpalak.

 

Hindi ito ang una niyang partnership sa organisasyon, ngunit mas tumagal ang pagmumuni-muni niya ngayon para sa pangalawang kolaborasyon sa Miss Universe Organization (MUO). Sa ika-69 edisyon noong 2021 sila unang nagkatrabaho.

 

“It took me three months to decide. In my trip to New York in September, Amy (Emmerich, MUO CEO) asked if I want to be a part of the show. I signed the contract only in December,” sinabi ni Bragais sa Inquirer sa isang eksklusibong panayam sa Victorino’s sa Quezon City noong Dis. 26.

 

Naging mas madali na ang pangalawang pagkakataon para kay Bragais. Noong 2021 kasi, napakahirap kumuha ng materyales dahil sa mga paghihigpit na bunsod ng COVID-19 pandemic, na siya ring nagpahirap sa pagpapadala ng mga sapatos nang natapos na itong gawin.

 

Idinagdag pa ni Bragais: “The first time I was trying to feel my way, and I was trying to read how they go about with their work. Now I am already familiar with the people and how they do things. It’s true that work becomes easier when you like the people around you.”

 

Ibinahagi pa niya na “I’m super happy to be back. The first time, I wasn’t able to enjoy because of all the pressure. But this time I’m more relaxed. I also feel that whatever mistakes I committed in the past, I was able to correct now.”

 

Sinabi ni Bragais na pumayag siyang bumalik sa Miss Universe dahil sa pagiging bukas ng MUO. “I really felt empowered. They were listening to what I was trying to say, and they acknowledge the ideas and concepts I was telling them,” aniya.

 

Para sa ika-71 Miss Universe pageant, na siyang edisyon para sa 2022, dalawang disenyo ang ilalabas ni Bragais. Una ang “Maureen,” na ipinangalan kay 2021 Miss Globe Maureen Montagne at unang ginamit sa 2022 Binibining Pilipinas pageant. May isa pa siyang bagong disenyo, na ipinangalan din sa isang beauty queen, ngunit hindi pa nagagamit sa anumang beauty contest.

 

Itatanghal ang 2022 Miss Universe coronation program sa New Orleans Morial Convention Center sa Louisiana sa Estados Unidos sa Enero 14 (Enero 15 sa Maynila). Si Celeste Cortesi ang kinatawan ng Pilipinas.

 

Ilalabas ni Bragais ang unang episode ng 3-part docuseries na “Maureen: The Making” alas-7 ngayong gabi sa social media platforms niya.

Read more...