Bagong may-ari ng Miss Universe ayaw maging ‘sex symbol’ ang mga kandidata

MUO owner Anne Jakrajutatip

MUO owner Anne Jakrajutatip/ANNE JAKRAJUTATIP FACEBOOK PHOTO

 

ISA sa pinakaaabangan sa mga beauty contest ang swimsuit competition. Matutuloy pa rin ito sa ika-71 Miss Universe pageant, ngunit hindi na makikita ang mga kandidatang sumasayaw nang mapangahas na swimwear lang ang suot, at sa halip ay isusulong ng segment ang kalusugan ng mga babae.

Nakapanayam kamakailan sa Thai media ang media mogul na si Anne Jakrajutatip ng Bangkok-based na JKN Global Group, ang bagong may-ari ng Miss Universe Organization (MUO), kung saan niya sinabing, “stop using women as sex symbols.”

Sinabi ni Jakrajutatip, ang unang babae at unang hindi Amerikano na nagmay-ari sa MUO, na kailangang may “purpose” at “meaning” ang panonood ng pageant. “My aim is to make this stage become just as splendid as the Academy Awards’ stages, or even the equivalent of the Olympics for beauty,” ipinagpatuloy pa niya sa wikang Thai.

Patungkol pa sa swimsuit competition, sinabi niyang, “you have to do it better, with class, that will empower you to want to look after your body and being healthy, becoming a good standard of what a woman should be.”

Miss Universe Philippines Celeste Cortesi/MISS UNIVERSE PHILIPPINES PHOTO

Sa mga naunang panayam sa kanya, iginiit ni Jakrajutatip ang balak niyang gumamit ng “transformational leadership” upang maibalik ang dating sigla ng MUO, sa pamamagitan ng malawakang paggamit sa tatak na Miss Universe, pagbebenta ng mga produkto, pagpapaigting sa pandaigdigang saklaw nito sa media, at iba pang mga pagbabago.

Ipinakita na ang bagong koronang ginawa ng Mouawad na nagkakahalagang $6 milyon, at ang bagong “sustainable” sash na mula sa “post consumer” na materyal. May idinagdag pa siyang mga detalye sa kanyang panayam.

Nagbabalik ang Luluvision na may $9 milyong production budget. Lahat ng judges mga babae, at ipakikilala na rin ang magiging host, na babae rin.

Nilinaw niyang hindi siya makikialam sa pagpili ng magiging reyna, at magpapakita lang sa ilang events. Panonoorin niya ang closed-door interview sa mga kandidata mula sa isang “dark room” kung saan hindi siya makikita ng mga haharap sa judges.

Nakakuha na rin ang MUO ng host countries para sa susunod na tatlong edisyon, na lahat tatagal nang isang buwan. At dahil 2022 Miss Universe pageant pa rin ang kasalukuyang patimpalak, may isa pang itatanghal na paligsahan sa taong ito na siyang ituturing na edisyon para sa 2023.

Itatanghal ang 2022 Miss Universe final competition sa New Orleans Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos sa Enero 14 (Enero 15 sa Maynila). Kinatawan ng Pilipinas ang Italian-Filipino model at realtor na si Celeste Cortesi.

Read more...