PUMUNTA si Patricia Javier sa Japan kamakailan para sa coronation program ng Respect: Noble Queen of the Universe na itinanghal sa Tokyo Prince Hotel sa Tokyo noong Dis. 29. Ngunit hindi lang iyon ang event na dinaluhan niya sa “Land of the Rising Sun.”
Nakibahagi rin sa charity event ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant ang actress-singer, na kasalukuyang national director para sa Pilipinas at international director din ng Noble Queen of the Universe Ltd. Inc. (NQULI).
Makaraang asikasuhin ang coronation program ng sarili niyang organisasyon, pumunta si Javier sa Yoyogi Park sa Tokyo upang tulungan ang organizer ng national pageant sa Japan sa pamamahagi ng tulong sa mga palaboy at mga nangangailangan sa kabisera ng Japan.
Sinamahan si Javier ng Japan-based na Pilipinang beauty queen na si Myla Villagonzalo-Tsutaichi, na kinoronahang 2020 Mrs. Tourism Ambassador International sa Malaysia, at ng ilang kandidata ng national pageant sa parkeng matatagpuan sa abalang ward ng Shibuya bago nagtapos ang 2022.
Pinarangalan din kasi ng NQULI si Tsutaichi sa coronation program noong Dis. 29 bilang isa sa mga panauhing pandangal ng organisasyon. Tinanggap niya ang parangal bilang “Most Prominent Women Empowerment” sa event.
Kinoronahan bilang Noble Queen of the Universe sa Tokyo event si dating Tacloban City Mayor Cristina Gonzales-Romualdez na kumatawan sa Visayas. Dalawa pang kandidata mula Pilipinas ang kinoronahan din, sina Noble Queen International Leira Buan na kumatawan sa Mindanao, at Noble Queen Earth Sheralene Shirata na kumatawan sa Luzon.
Samantala, inorganisa naman ni Tsutaichi ang Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant noong 2022, at nakatakdang magtanghal ng una nitong patimpalak sa kaarawan niya sa Peb. 19 sa Tokyo.
Kinatawan niya ang Japan sa pandaigdigang patimpalak noong 2020, at ngayon siya na ang inatasan ng organisasyong nagkorona sa kanya upang magpadala ng kandidata mula Japan sa contest sa Malaysia ngayong 2023.
Magkakaroon ng limang reyna ang national pageant—ang Mrs. Tourism Ambassador International Japan, Mrs. Universe (Official) Japan, Mrs. Tourism Ambassador International Philippines-Japan, Mrs. Universe (Official) Philippines-Japan, at Mrs. Model Mom Japan—na sasabak sa iba’t ibang pandaigdigang patimpalak.
Sinabi ni Tsutaichi sa Inquirer sa isang naunang panayam na magsisilbing plataporma ang Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant upang maipakita ng mga ina “how they give hope, love, and light to the world,” at matupad ang kani-kanilang mga pangarap “through action and determination.”
Binuksan din niya ang patimpalak niya para sa transgender women sa Japan sapagkat “I want to give them the opportunity to uplift themselves, something that was deprived of them. I thought now is the time to honor them and for society to also value them.”