MAITUTURING nang napakalaking mithiin ang pagkakamit ng isang national beauty title para sa isang babae. Ngunit para sa mga kasalukyang nagrereyna sa bansa, nararapat pa ring magtakda ng mga nais maisakatuparan kahit may kani-kanila na silang mga korona.
“I feel like after [2022], my New Year’s resolution is to think more highly of myself. I feel like because of the pageant I’ve seen and heard a lot of opinions about me, and sometimes they’re very harsh and it’s hard to not believe them. So now I think I’m working on healing and just learning to love myself more,” sinabi ni reigning Miss Supranational Philippines Alison Black sa isang panayam ng Inquirer sa kanya kamakailan sa Luxent Hotel sa Quezon City.
Nagtapos sa Top 20 ng 2022 Miss Supranational pageant ang business administration graduate mula sa University of the Philippines. Nakatakda siyang magsalin ng korona sa isang hiwalay na national pageant ngayong Marso. Nasungkit niya ang titulo niya sa 2022 Miss World Philippines pageant bilang isa sa mga ginawaran ng mga korona sa pambansang patimpalak.
Ibinahagi rin ng mga kapwa niya nagwagi sa 2022 Miss World Philippines pageant ang kani-kanilang adhikain para sa taong ito. Sinabi ni Reina Hispanoamericana Filipinas Ingrid Santamaria na paulit-ult ito kada taon, “which is to be bigger, better, stronger that I was last year.”
Idinagdag pa niya: “For this year, I have a big goal that I want to achieve, and my resolution is to just do everything that I can to get there.”
Sasabak sana sa 2022 Reina Hispanoamericana contest ang concert pianist noong Oktubre, ngunit naunsyami ang patimpalak dahil sa gulong sumiklab sa Bolivia habang papalapit ang orihinal na iskedyul ng contest.
Itatanghal ang pandaigdigang patimpalak ngayong Pebrero, at doon sisikapin ni Santamira na tumbasan ang naabot ni Teresita Marquez, ang una at natatanging Pilipinang hinirang bilang Reina Hispanoamericana na nagwagi noong 2017.
Sinabi naman ng modelong si Ashley Subijano Montenegro, anak ng beauty queen na si Cara Subijano at host-model na si Hans Montenegro, “I’m hoping that [in 2023], in honor of celebrating your spirit, I’m also picking myself back up.” Ibinahagi niyang mabigat ang pinagdaanan ng pamilya niya nitong 2022 makaraan ang pagpanaw ng lola niya.
Tatangkain ng matangkad na dilag ang ikalawang kasunod na panalo ng Pilipinas sa Miss Eco International pageant sa Egypt sa Marso. Reigning queen si Kathleen Paton, ang ikalawang Pilipinang nakasungkit sa titulo.