PETRON wawalisin ang RAIN or SHINE

Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
7 p.m. Petron Blaze vs Rain or Shine

TATAPUSIN na ng Petron Blaze ang laban sa kanilang pagkikita ng Rain or Shine sa Game Three ng 2013 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series mamayang alas-7 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Naungusan ng Boosters, na ngayo’y hawak ni head coach Gelacio Abanilla III, ang defending champion Elasto Painters, 90-88, sa Game Two noong Miyerkules para sa 2-0 kalamangan sa serye.

Napanalunan din nila ang Game One, 91-83.Sa Game Two, ang Boosters ay pinamunuan ng Gilas Pilipinas member na si June Mar Fajardo na nagtala ng 26 puntos at humugot ng 14 rebounds.

Hindi ininda ng  6-foot-10 rookie and pisikal na depensa buhat kina Beau Belga at Jervy Cruz. Nagkulang ng isang big man ang Rain or Shine nang hindi nakapaglaro si JR Quinahan na ngayon ay kasama sa injured list ni Paul Lee na may torn calf muscle.

May tsansa sana ang Elasto Painters na maitabla ang score at makapuwersa ng overtime dahil sa kanila ang huling possession may limang segundo ang nalalabi sa laro.

Subalit nagmintis sa kanyang tira si Arizona Reid nang siya ay makubkob ni Elijah Millsap. Inaasahang patuloy na magpapatalbugan ang dalawang import na halos parehas lang ang mga numero.

Kaya naman sa mga locals babagsak ang bigat ng laban.Bagamat halos nasa bangin na ang kanyang koponan ay naniniwala si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na kaya pa nilang makabalik.

Umaasa siyang gaganda ang laro ng mga Gilas Pilipinas members na sina Gabe Norwood at Jeff Chan na susuportahan nina Ryan Araña, Ronnie Matias at Chris Tiu.

Bagamat isang hakbang na lang ay mararating na ni Abanilla ang kanyang unang Finals stint bilang head coach sa PBA ay ayaw naman niyang magkumpiyansa nang husto ang kanyang mga bata.

Si Abanilla ay patuloy na sasansdig kina Alex Cabagnot, Arwind Santos, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Chico Lanete.

( Photo credit to INS )

Read more...