Nadine Lustre mas ginanahan pang gumawa ng pelikula matapos magwaging best actress sa MMFF 2022: Ang sarap sa pakiramdam!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Nadine Lustre
MAS ginanahan pa ngayon si Nadine Lustre na gumawa ng maraming pelikula sa susunod na taon matapos tanghaling best actress sa Metro Manila Film Festival 2022.
Kinilala ng mga juror sa MMFF 2022 ang kanyang performance sa pelikulang “Deleter” mula sa Viva Films at sa direksyon ni Mikhail Red na nagwagi ring Best Director.
Sey ni Nadine, hindi talaga niya in-expect na siya ang mananalong best actress dahil magagaling din ang nakalaban niya kabilang na sina Toni Gonzaga (My Teacher) at Heaven Peralejo (Nanahimik Ang Gabi).
“Sobrang unreal. Like what I said earlier, hindi talaga namin in-expect na makakasama sa MMFF yung ‘Deleter.’ Sobrang unreal, parang nananaginip pa rin ako,” ani Nadine sa panayam ng ABS-CBN.
Aniya, bonus na lang daw ang mga natanggap na awards ng kanilang MMFF entry dahil ang mahalaha ay tinatangkilik ngayon ng mga Pinoy ang ginawa nilang pelikula na balitang pumapangalawa sa ranking ng walong kalahok ngayong taon.
“I am really really happy kasi para sa amin, para sa Team Deleter, enough reward na yung gustuhin siya ng mga Pilipino na panoorin, na mag-enjoy silang lahat na panoorin.
“Isang malaking malaking bonus para sa Team Deleter yung manalo ng awards. I am really really happy,” aniya pa.
Sa tanong kung anu-ano ang kailangang abangan ng kanyang mga fans sa darating na 2023, “I don’t think I am ever gonna stop. I don’t know how to explain it properly but I guess it kind of lit a fire in me.
“It’s a huge inspiration for me na. it’s not really about winning. It’s more of inspiring other people. Medyo nakaka-motivate kasi to see the result of what you are doing.
“Parang ang sarap sa pakiramdam na alam mo sa sarili mo na you gave your all, you know you did well. Ang sarap niya sa feeling,” aniya pa.
Bukod sa Best Actress at Best Director, wagi rin ng Best Picture, Best Cinematography for Ian Guevarra, Best Sound, Best Visual Effects, at Best Editing ang “Deleter.”