Reward sa paghuli ng mga kriminal

NANAWAGAN si Sen. Miriam Defensor-Santiago na magbitiw sa tungkulin si Budget Secretary Butch Abad dahil sa kontrobersiya sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ni-release ni Abad ang DAP matapos na masentensiyahan si Chief Justice Renato Corona ng parusang tanggalin sa puwesto sa impeachment trial.

Wala sanang maipipintas kay Abad dahil ang pera sa DAP ay para paunlarin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagtatayo ng infrastructure sa mga lugar na nangangailangan nito.

Ang kaso, nagmukhang suhol sa mga senador ang DAP dahil ibinigay ito sa mga bumuto na patalsikin si Corona.
Ang mga hindi bumoto laban kay Corona—sina Ferdinand Marcos, Miriam Defensor Santiago, at Joker Arroyo—ay di binigyan.

Tama si Madame Miriam: Dapat ay mag-resign na sa kanyang puwesto si Abad.

Kung siya’y magbibitiw, siya ang magiging lightning rod ni Pangulong Noy.

Si Abad ang magiging tagapagsalo ng maling kautusan ng kanyang amo.

May mga eksperto na nagsabi na ang DAP ay labag sa Saligang Batas.

Kapag si Abad ay umalis, mawawala na ang galit ng tao sa kanyang amo at mapupunta sa kanya.

Pero mahina ang kukote ni Abad o kaya makapal ang kanyang mukha, kaya’t ayaw niyang magbitiw.

O, baka naman ay gusto muna niyang pakinabangan ang kanyang puwesto bago siya umalis?

Pinag-iisipan pa ng mga abogado ng gobyerno kung legal na magbigay ng patong ang Pangulong Noy sa ulo ni Nur Misuari, lider ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Wala pa kasing mga kaso ang isinasampa kay Misuari dahil sa pagsalakay ng kanyang mga tauhan sa Zamboanga City na ikinasawi ng 100 sundalo, pulis at sibilyan.

Dapat ay bilis-bilisan na ng prosecutors ng Department of Justice sa pagsasampa ng mga kasong kriminal kay Misuari upang malagyan na ng patong ang kanyang ulo.

Kung magbibigay ng malaking pabuya ang gobyerno—halimbawa, P10 million—mabilis pa sa alas kuwatro na mahuhuli si Misuari.

Kahit na tauhan niya at mga taong nagtatago sa kanya ay masisilaw sa malaking halaga at ipagkakanulo siya.

Bakit halos lahat ng mga lider ng Abu Sayyaf na nasangkot sa raid sa Dos Palmas resort sa Palawan ay napatay o nakakulong na ngayon?

Dahil ang US government ay naglagay ng pabuya sa kanilang mga ulo.

Malalaking halaga ang inilagay ng US government para mahuli ang mga lider ng Abu Sayyaf na nangidnap at nagpa-ransom sa mga guests ng resort.

Kaya pumasok ang US government sa eksena ay dahil tatlo sa kanilang mga citizens ang nakasamang nakidnap, dalawa sa mga ito ay napatay in captivity.

Kapag nagkaroon ng reward money para sa mga “wanted” persons, madaling mahuli ang mga ito lalo na kung malaki ang halaga.

Bakit mapapadali ang paghuli ng mga pusakal kriminal na “wanted” kapag may suhol ang mga taong magtuturo o pumatay sa kanila?

Dahil human nature ang kumilos kapag may suhol o reward lalo pa’t nasa milyon ang halaga ng ulo.

Bakit napadali ang pagsurender ni Janet Lim-Napoles na may patong na P10 milyon sa kanyang ulo?

Dahil natakot si Napoles na baka siya’y patayin muna at i-turn over ang kanyang bangkay sa mga awtoridad.

Alam ni Napoles na kahit saan siya magsuot saan mang sulok ng bansa ay ituturo siya ng mga taong nakakita sa kanya.

Read more...