HINDI man nakarating ang mga pangunahing bida sa walong pelikulang kasama sa 2022 Metro Manila Film Festival ay maayos namang naipaliwanag ng bawat representante nila dahil mga abala rin sa kani-kanilang promo sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila at ‘yung iba ay may on-going shooting pa.
“Balik Saya” ang slogan ng 48th Metro Manila Film Festival ngayong taon na magsisimula sa Disyembre 25 hanggang Enero 7, 2023.
“Sana, kasiyahan talaga!” say ni Boots Anson Roa-Rodrigo sa nakaraang mediacon at Christmas party for the press ng MMFF 2022 nitong Disyembre 14 na ginawa sa Novotel, Araneta City, Quezon City.
Nailatag naman ng maayos ni Acting Chairman and concurrent MMFF Over-all Chairman Atty. Romando Artes ang ruta ng 2022 Metro Manila Film Festival Parade of Stars na mangyayari sa Disyembre 21 na magsisimula sa Mabuhay Rotonda, Quezon City at magtatapos sa Quezon Memorial Circle. Tantiyang nasa 7.36 kilometers ang ruta ng mga karosa para sa Parade of the Stars ng walong pelikulang kasali sa MMFF 2022.
Base kay Ginoong Artes, “Tuluy-tuloy ang parada, hindi titigil sa mga stop light at pipilitin na mabawasan o hindi maging cause ng traffic. May 700 personnel ang MMDA to supervise the parade and traffic. May 1,400 personnel naman ang Quezon City to be deployed.”
At dahil sa Quezon City ang host city ng 2022 MMFF ay sila ang punong-abala at siniguradong magiging maayos ang parada, opening ng mga sinehan sa Disyembre 25 pati na ang Gabi ng Parangal na gaganapin sa New Frontier Theater sa Disyembre 27.
Sabi pa ni Ms Boots, “Maraming hopes. Kasi, marami naman talagang innovations ang ginawa. We really worked hard on bringing back not only the glory but also the fun and the spirit of the MMFF. At nakakatuwa na ang mga cinema owners ay talaga namang nagko-cooperate. Medyo mahirap pa talaga.
“Kasi siyempre, ang mga tao are not back yet to moviegoing habits. Pero the MMFF will parang… restore the spirit, enjoin the moviegoing public dahil yun namang mga pelikula natin, magandang mix, e. Maganda ang mix nila, yung walong pelikula.”
Klinaro ring hindi naman inaambisyon ng MMFF na kumita ng P1B tulad noong wala pang pandemya, pero sana kahit kalahati o higit pa ang overall kita ng MMFF 2022.
Dagdag pa, “Hindi mo din naman masisi yung producers at ‘yung theaters. Kasi, matagal silang nawala. They need to recuperate.”
Anyway, tagumpay ang pagbabalik MMFF Christmas party for the press dahil karamihan sa mga ito ay nagwagi sa pa-raffle dahil kanya-kanyang pabongga ang mga producers ng sa pagbibigay ng prizes.
Ang mga pelikulang kasama sa MMFF 2022 ay ang “Deleter” ng Viva Films, “Family Matters” ng CineKo Productions, Inc., “Mamasapano” ng Borracho Film Production, “My Father, Myself” ng 3:16 Media Network at Mentorque Productions, “Partners in Crime” ng ABS-CBN Film Productions, “Labyu with an Accent” ng ABS-CBN Film Productions, “My Teacher” ng TEN17P Productions; at “Nanahimik ang Gabi” ng Rein Entertainment Productions.
Related Chika: