HINDI na nakausad sa huling yugto ng Miss International pageant si Binibining Pilipinas Hannah Arnold na ginaganap ngayon sa Tokyo Dome City Hall sa Tokyo, Japan.
Nalaglag ang 26-taong-gulang na forensic scientist at model mula Masbate sa Top 8 ng patimpalak, para sa ika-60 edisyon nito ngayong taon.
Pinili ang mga kandidatang umusad sa huling yugto ng patimpalak mula sa Top 15 na kalahok na nagbigay ng kani-kanilang mga talumpati. Animnapu’t anim na mga kinatawan ang sumali sa 2022 Miss International pageant.
Narito ang talaan ng mga nakapasok sa Top 8:
1. Dominican Republic
2. Cabo Verde
3. Germany
4. Jamaica
5. Colombia
6. Spain
7. Canada
8. Peru
Itinatanghal ang patimpalak tatlong taon mula nang huling nagsagawa ng kumpetisyon. Nagpasya kasi ang International Cultural Association, organizer ng Miss International pageant, na huwag munang magtanghal noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
At dahil sa dalawang-taong pahinga ng patimpalak, si 2019 Miss International Sireethorn Leearamwat na ang pinakamahabang nagreyna sa kasaysayan ng patimpalak. Siya rin ang unang reyna mula sa Thailand.
Maisasalin na ni Leearamwat ang korona niya, sa wakas, sa isang tagapagmanang pipiliin sa pagtatapos ng pagtatanghal ng patimpalak.
Mula sa mga pandaigdigang patimpalak na kasalukuyang tumatakbo, sa Miss International pageant nakamit ng Pilipinas ang pinakamalaki nitong tagumpay na may anim na panalo—sina Gemma Cruz noong 1964, Aurora Pijuan noong 1970, Melanie Marquez noong 1979, Precious Lara Quigaman noong 2005, Bea Rose Santiago noong 2013, at Kylie Verzosa noong 2016.