Generals naungusan ang Blazers, 85-83

Mga Laro Bukas
(The Arena)
4 p.m. Arellano vs EAC
6 p.m. Letran vs Benilde

NAKAISKOR si John Marco Tayongtong sa kanyang driving layup may 1.2 segundo ang nalalabi sa laro para maungusan ng Emilio Aguinaldo College ang College of St. Benilde, 85-83, sa kanilang NCAA Season 89 men’s basketball game kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Walang takot na sumalaksak patungo sa basket si Tayongtong para malusutan si Travis Jonson at makaiskor ng game-winning shot sa harap ni Mark Romero na bumanda habang pabagsak siya sa sahig.

Agad namang bumangon ang tubong Cagayan de Oro City na guwardiya na nakangiti at nakipag-high five pa sa mga kakampi habang patungo sa bench ng mga Generals na buhay pa ang pag-asang makakubra ng puwesto sa Final Four.

Hindi naman naging maayos ang huling offensive play ng Blazers na nabigong makapagbuslo ng tira para malasap ang ikatlong sunod na pagkatalo at ikasiyam sa kabuuang 14 laro.

Ang Generals (8-7), na nanalo sa apat sa kanilang huling limang laro, ay lalong nakadikit naman sa kasalukuyang nasa ikaapat na puwestong San Sebastian College Stags (8-6) sa mahigpit na karera para sa huling semifinals slot.

Read more...