Pinay first runner-up sa Miss Tourism World 2022

Pinay first runner-up sa Miss Tourism World 2022

Miss Tourism World First Runner-up Justine Felizarta/MISS TOURISM PHOTO

HINIRANG ang Pilipinang si Justine Felizarta bilang first runner-up sa ika-31 Miss Tourism World pageant na itinanghal sa Vietnam noong Dis. 10, dinaig siya ni Erina Hanawa mula Japan para sa titulo.

 

Biglaan ang pagpapadala sa 28-taong-gulang na si Felizarta sa naturang patimpalak. 

Nang tanggapin niya ang titulong Miss World Philippines-Tourism bilang “first princess” sa national pageant na itinanghal noong Hunyo, wala itong kaakibat na international pageant para salihan niya.

 

Noong nagdaang buwan lang hinayag ng Miss World Philippines organization ang pagtatalaga sa kanya bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2022 Miss Tourism World pageant. At doon sa Vietnam, tinanggap din ni Felizarta ang “Best in Evening Gown” award.

 

Pumangatlo naman ang host delegate na si Le Thi Huong Ly, habang pang-apat si Iana Sharikova mula Russia. Binuo ni Adeduro Adetola mula Nigeria ang Top 5.

Miss Tourism World Erina Hanawa/MISS TOURISM PHOTO

Si John Singh ang nagtatag sa Miss Tourism World pageant na nilahukan ni Felizarta. 

May isang panalo pa lang ang Pilipinas sa naturang patimpalak, na itinala ni Michelle Reyes noong 2002 sa Antalya, Turkey.

 

Nagwagi si Reyes isang taon lang makaraan niyang masungkit ang korona bilang Miss Tourism International. Ang Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang nagpadala sa kanya sa dalawang pandaigdigang patimpalak. First runner-up siya sa national pageant noong 2001.

 

At tulad ni Reyes, sumalang na rin sa entablado ng Bb. Pilipinas si Felizarta, na dati ring sumali sa Miss Universe Canada pageant.

 

Samantala, may isa pang Miss Tourism World pageant na itatanghal sa Sri Lanka sa Dis. 20. Iba pa ito sa patimpalak na nilahukan ni Felizarta.

Read more...