52nd Mutya ng Pilipinas pageant kasado na; Alamat, G22 may pasabog na sorpresa

Apatnapung dilag ang magtatagisan sa ika-52 Mutya ng Pilipinas pageant./ARMIN P. ADINA 

Apatnapung dilag ang magtatagisan sa ika-52 Mutya ng Pilipinas pageant./ARMIN P. ADINA

SA WAKAS, dumating na ang panahon upang magtanghal ng coronation night ang Mutya ng Pilipinas pageant, tatlong taon makaraan ang huli nitong pagsasagawa ng isang patimpalak. Nagpahinga ito noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Ngayong gabi, 40 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mula sa ilang pamayanang Pilipino sa ibayong-dagat ang magtatagisan sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City, alas-7 ng gabi.

Apat na main titles ang paglalabanan—Mutya ng Pilipinas 2022, Mutya ng Pilipinas-Tourism International, Mutya ng Pilipinas-World Top Model, at Mutya ng Pilipinas-Overseas Communities.

Gagawaran din ng mga espesyal na titulo ang mga runner-up—Mutya ng Pilipinas-Luzon, Mutya ng Pilipinas-Visayas, at Mutya ng Pilipinas-Mindanao.

Magho-host si reigning queen Klyza Castro, kasama ang broadcaster na si Gretchen Fullido at aktor na si Marco Gumabao. Magtatanghal naman ang P-pop group na Alamat, girl group na G22, at si Jon Guelas.

Itinaguyod noong 1968, isa ang Mutya ng Pilipinas pageant sa mga pinakamatatagal nang national beauty contest sa Pilipinas. Ilang international winners na rin mula sa mga matatagal nang global pageants sa mundo ang naipanalo nito.

Handa na ang entablado sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City para sa ika-52 Mutya ng Pilipinas pageant./ARMIN P. ADINA

Limang reyna ng Mutya ang nagwagi sa iba’t ibang bersyon ng Miss Asia Pacific International pageant—sina Carines Zaragoza noong 1982, Bong Dimayacyac noong 1983, Lorna Legaspi noong 1989, Michelle Aldana noong 1993, at Sharifa Areef Mohammad Omar Akeel noong 2018.

Limang Mutya rin ang nagwagi sa Malaysia-based na Miss Tourism International pageant—sina Peachy Manzano noong 2000, ang yumaong si Rizzini Alexis Gomez noong 2012, Angeli Dione Gomez noong 2013, Jannie Loudette Alipo-on noong 2017, at Cyrille Payumo noong 2019.

Mutya rin sina 1993 Miss Model of the World Gemith Gemparo at 2015 Miss Tourism Queen of the Year International Leren Mae Bautista.

Mapapanood ang 2022 Mutya ng Pilipinas pageant nang real-time sa FYE channel sa streaming platform na Kumu simula alas-7 ng gabi. May delayed telecast naman sa A2Z channel at Kapamilya Channel, at delayed streaming sa Kapamilya Online Live YouTube Channel at iWantTFC 10:30 ng gabi.

Read more...