Jericho tuloy na ang kasal kay Kim Jones sa 2014, pero ayaw munang magka-baby

Kim Jones at Jericho Rosales

“GUSTO naming magpakasal bago bumuhos ang ulan!” Ito ang pahayag ni Jericho Rosales nang makatsikahan namin sa presscon ng award-winning indie film na “Alagwa” na mapapanood na sa Okt. 9 sa lahat ng sinehan.

Kung “bago bumuhos ang ulan” ibig sabihin ay first quarter of 2014 ang kasal ni Echo sa fiancée niyang si Kim Jones at mangyayari ito sa beach base na rin sa napagkasunduan nilang dalawa dahil dito raw sila madalas mag-bonding.

Hangga’t maaari ay gusto ng aktor na masaksihan ito ng lahat, “Kung ako naging hari, buong palasyo gusto kong mapanood ito kasi wala namang dapat itago, but we’ll see, tingnan natin kung ano ‘yung mga possibilities,” say ng aktor.

Mahirap nga naman mag-imbita ng maraming tao sa beach, bossing Ervin at kung hindi kami nagkakamali ay sa Baler, Quezon o sa La Union magaganap ang kasal nina Echo at Kim. Pero nilinaw ni Echo na kasal daw muna, huwag muna baby.

Anyway, naramdaman daw ni Echo na si Kim na ang babaeng gusto niyang makasama sa habambuhay, “Months before I propose, kasi nag-date kami ng eight months tapos after that, nasabi ko na gusto kong pag-usapan na ang future.”

Nagustuhan daw ng aktor ang ugali ni Kim dahil sa pagiging malapit nito sa tao at nu’ng unang punta nga raw sa bansa ng TV host ay una niyang nakita ang mga batang kumakain ng pagpag at naging malapit daw ang puso nito sa kanila kaya sumasama raw ang dalaga sa mga advocacy nila.

“She’s a solid person, siya lang ‘yung taong pag up ako, nandiyan siya, pag down ako, nandiyan siya, pag nasa gitna ako, nandiyan siya. Ako lang parati nakikita sa harap ng camera, but in fact in real life, she’s the star for me, she’s a wonderful person, she’s very talented pagdating sa lahat ng gusto niyang gawin.

“She’s fun loving and unique, not many people know that talagang may pagkakolokoy din si Kim,” masayang kuwento ni Echo.

At dahil mag-aasawa na ang aktor ay tinanong namin kung ihihinto na niya ang pagtulong sa pamilya niya dahil sa pagkakaalam namin ay breadwinner pa rin si Echo, “Actually, ang pagtulong ay hindi nawawala, lalo na kung sa mga mahal mo sa buhay, para sa akin, kung kailangan nila ang tulong ko like emergency, nandito lang ako.

“Pero ‘yung forever na silang umaasa, hindi ko na sila natutulungan nu’n, tinuturuan ko silang maging tamad, kaya siguro tuturuan ko silang mag-strive para tulungan ang sarili nila,” paliwanag ng aktor.

Oo nga naman, simula kasi ng mag-artista si Jericho Rosales ay sa kanya na umasa ang pamilya niya at naipagpatayo na niya ng sariling bahay ang mama niya.

Samantala, tinanong si Echo kung sino sa dalawang ex-girlfriend niya ang gusto niyang makatrabaho muli, si Kristine Hermosa o si Heart Evangelista?

“Ganu’n, ang hirap naman ng tanong, depende sa project. Puwede kong sabihin kung sino ang gusto ko, but I’d rather keep it to myself. Our fans always been there to support us kung pag-uusapan ang fans namin ni Kristine, gusto kong ibalik sa kanila kasi nandidiyan lang sila, I want to give back to them parang ganu’n,” paliwanag ng aktor.

Sa mga sinabing ito ni Echo ay indirectly na rin niyang sinabing si Kristine ang mas gusto niyang makatrabaho kaysa kay Heart.
Binanggit naman namin sa 2013 Gawad Urian at Gawad Tanglaw best actor na gusto talaga ng ABS-CBN na muli silang magsama ni Kristine sa isang serye, pero tumanggi raw ang asawa nitong si Oyo Sotto.

“Si Oyo? Ha-hahaha! So siguro hindi pa time, hindi pa timing. Okay lang ‘yun, they have their own reasons,” maiksing sagot ng aktor.

Samantala, abut-abot ang pasalamat ng aktor sa SM Cinemas dahil ipinapalabas na raw ang trailer ng “Alagwa”, “Gusto kong pumunta sa mga sinehan ngayon kasi pinapalabas na ang trailer ng pelikula, ‘yun ang paborito kong gawin, manood ng trailers.”

At dahil isang taon na itong nailibot sa ibang bansa ang ‘Alagwa’ at nakakuha na ito ng citations ay natanong namin kung kumita na ang pelikula at naibalik na ang puhunan. Sa ibang bansa, siguro in terms of promotions and awards, and were talking about monetary value, meron na, may balik na, but for now, we’re hoping dito sa Pilipinas kumita ‘yung pelikula.

“Malaking sorpresa sa akin na maipalabas sa mainstream cinemas itong pelikula namin kasi ang alam ko talaga, pang indie festival, pinangarap ko na maipalabas, pero hindi ko inasahan ng husto na maipapalabas sa commercial theaters.

“Kasi napansin namin nu’ng cast party sa States, maraming pumunta at may international appeal ang pelikula, so gusto ko, mapanood din ito ng kababayan natin,” paliwanag ng aktor.

Samantala, bukod kay Echo, kasama rin sina Bugoy Cariño bilang anak ng aktor, Leo Martinez, Smokey Manaloto, John Manalo, Jeremiah Rosales, Inaki Ting, Gary Lim, Nanette Inventor, Jamieson Lee, EJ Caro at special role si Carmen Soo a mismong ang aktor ang pumili.

Read more...