KUNG kailan maraming Pilipino na ang nagbabalak na magpakaligaya sa pagkain ng masasarap na putahe sa mga napipintong kasiyahan ngayong panahon ng Kapaskuhan, pinahanga ng kinatawan ng Pilipinas sa 2022 Caballero Universal contest na si Andre Cue ang mga tagasubaybay sa kakisigan niya at pambihirang hubog ng katawan at nasungkit pa ang “Best Body” award sa patimpalak na itinanghal sa Club Teatro Luisela David sa Caracas, Venezuela, noong Dis. 1 (Dis. 2 sa Maynila)
Dinaig ng 19-taong-gulang na senior high school graduate mula Cagayan de Oro City ang 14 iba pang mga kalahok para sa parangal na iginawad sa patimpalak, na teritoryo ng mga kalahok mula Latin America. Nagtapos din siya sa Top 10.
Si Kendall Jo mula sa Estados Unidos ang nagwagi sa patimpalak, at tinanggap ang titulo mula kay Christian Naranjo Gomez mula Espanya na nagwagi sa unang edisyon ng Caballero Universal. Hinirang namang Vice King si Carlos Palacios mula Nicaragua.
Itinanghal din bilang mga prinsipe ang apat na runners-up—sina First Prince Pablo Estrada mula Espanya, Second Prince Kramikkumar Yadav mula India, Third Prince Angel Rosado mula Puerto Rico, at Fourth Prince Roger Molina mula Cuba.
Si Cue ang unang kalahok mula sa Asya na lumaban sa taunang patimpalak. Itinalaga siya ng Mister International Philippines (MIPH) organization upang maging kinatawan ng Pilipinas noong Agosto, ilang buwan lang makaraang magtapos sa ikalimang puwesto sa pambansang kumpetisyon.
Nang hiranging fourth runner-up sa 2022 Mister International Philippines competition nitong Hunyo, wala pang pandaigdigang patimpalak na nakatakda para kay Cue. Kalaunan, itinalaga siya bilang kinatawan ng bansa sa Mister Teen International pageant sa Laos sa susunod na taon.
Ngunit nang nakuha ng MIPH ang lisensya ng Caballero Universal para sa Pilipinas, pinili nito si Cue upang ibandera ang bansa sa Venezuela. Sinabi rin ng organisasyon na hihintayin muna nito ang magiging resulta ng patimpalak bago pagpasyahan kung ipadadala pa rin si Cue sa Laos sa 2023.
Sinabi ni MIPH General Manager Ameer Gamama sa Inquirer sa isang online interview na wala pang pasya sa ngayon kaugnay ng pagsali ni Cue sa Mister Teen International pageant.
“We are waiting for his parents’ confirmation because he is set to begin his studies at the De La Salle University in Manila next year,” ibinahagi ni Gamama.
Nakatakdang umalis ng Caracas si Cue sa Dis. 3 (Dis. 4 sa Maynila).
Related chika:
Pia Wurtzbach super ‘safe’ sa relasyon nila ni Jeremy Jauncey: The best feeling for a girl