NASA Japan na ngayon si Binibining Pilipinas Hannah Arnold upang simulan ang laban niya para sa korona bilang Miss International. Ngunit maaaring makatulong ang sinuman, mula sa kung saan mang panig ng mundo, na mapalapit siya sa kaniyang minimithi.
Ibinabalik ng Miss International pageant ang online voting para sa ika-60 edisyon nito ngayong taon sa pamamagitan ng isang kalulunsad na mobile app. Sa botohan, na nagsimula noong Nob. 30, maaaring iboto ng sinuman sa mundo ang napupusuan nilang kandidata.
Tiyak nang makapapasok sa Top 15 ang makakukuha ng pinakamaraming boto mula sa tatlong rehiyong batay sa mga time zone. Nasa ilalaim ng rehiyong “Asia and Oceania” ang Pilipinas. Magkakasama naman sa isang pangkat ang mga bansa sa “Europe and Africa,” habang nasa isa pa ang mga bansa mula sa “Americas.”
Makakalaban ni Arnold, isang forensic scientist at modelo mula Masbate, ang 67 iba pang kalahok sa “comeback edition” ng pandaigdigang patimpalak, makaraang makansela ang contest noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Huling nagtanghal ng patimpalak noon pang 2019, kung saan nasungkit ni Sireethorn Leearamwat ang unang panalo ng Thailand.
Ilang taon ding naghintay si Arnold upang mabigyan ng pagkakataon maging kinatawan ng Pilipinas sa isang pandaigdigang entabaldo, at tangkaing mabigyan ng international title ang bansa. Nilisan niya ang Australia kung saan siya nagtapos ng pag-aaral upang magsanay noong 2018. Sumali siya sa 2019 Bb. Pilipinas pageant at nakapasok sa semifinals.
Nagbalik siya para sa 2020 pageant, ngunit napilitan ang organizers na isantabi muna ito dahil sa pandemya. Nagbalik ito noong 2021 at doon nakuha niya ang titulong Bb. Pilipinas International.
Ngunit kanselado pa rin ang pandaigdigang patimpalak noong 2021, kaya naisalin na ni Arnold ang korona niya bilang Bb. Pilipinas kay Nicole Borromeo nitong 2022 nang hindi man lang nakakalaban sa ibayong-dagat. Marami tuloy ang nagtaka kung makakasali pa siya sa Miss International.
Nilinaw ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) na si Arnold pa rin ang kinatawan ng bansa sa ika-60 Miss International pageant, habang si nakareserba na si Borromeo para sa 2023 Miss International pageant.
Mahaba ang naging paghihintay ni Arnold, ngunit humuhugot siya ng inspirasyon sa mg arena ng Bb. Pilipinas na nauna sa kanya, particular si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na sinasabi ng marami ay kahawig niya.
“That’s definitely one of the best compliments that I have received. And even when ‘Ate’ Pia said it to me herself, she said it was like looking in the mirror but a younger and taller version, I got so ‘kilig,’” sinabi ni Arnold nang tanungin ng Inquirer bago siya umalis.
“We all know Ate Pia joined [Bb. Pilipinas] three times. And before she went to Miss Universe, some people were starting to lose faith in her. But she just kept on enjoying the whole process, being herself. And that’s really my motivation. I hope I will have the same story as her. That on the night, all my hard work will and fate will match up, and it will be a successful night,” pagpapatuloy ni Arnold.
Sa Miss International pageant nakahakot ng pinakamaraming korona ang Pilipinas—Gemma Cruz (1964), Aurora PIjuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013), at Kylie Verzosa (2016).
Itatanghal ang coronation program ng ika-60 Miss International sa Tokyo Dome City Hall sa Japan sa Dis. 13.