MAKARAAN ang dalawang virtual coronation ceremonies, sa wakas nakapagkorona na ang Miss Earth pageant ng isang bagong reyna sa isang pisikal na palatuntunan, at siya si Mina Sue Choi mula sa Korea.
Dinaig niya ang 85 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang bansa sa patimpalak na itinanghal sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City ngayong Nob. 29. Ipinalabas ito nang live sa Globovision sa Latin America at Caribbean, at napanood online sa buong mundo sa pamamagitan ng official Kumu account ng Miss Earth, at sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng patimpalak.
Tinanggap ng bagong reyna ang titulo mula kay Destiny Wagner, ang unang taga-Belize na nakasungkit ng korona sa isang major international pageant, at nagwagi sa virtual competition na isinagawa noong 2021. Online ang mga naging patimpalak nitong nagdaang dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
May “elemental queens” pang kinoronahan sa pagtatapos ng patimpalak, sina Miss Earth Air Sheridan Mortlock mula Australia, Miss Earth Water Nadeen Ayoub mula Palestine, at Miss Earth Fire Andrea Aguilera mula Colombia.
Nagtapos naman sa Top 20 ang kinatawan ng Pilipinas, ang American-Filipino Psychology student na si Jenny Ramp mula sa lalawigan ng Tarlac.
Ito ang ika-22 edisyon ng taunang international competition na tinatag ng Carousel Productions upang maisulong ang pangangalaga sa kalikasan at makapaghanap ng katuwang sa pagsagip sa planeta. Binansagang “Beauties for a Cause,” inaasahang magpapalaganap ng environmental awareness ang mga reyna at kandidata ng Miss Earth.
Apat na Pilipina na ang nakasusungkit ng korona—sina Karla Henry noong 2008, Jamie Herrell noong 2014, Angelia Ong noong 2015, at Karen Ibasco noong 2017.