DUMATING sa Pilipinas ang mga nagwagi sa Miss Grand International pageant upang saksihan ang paglulunsad sa isang bagong national competition, ngunit namasyal din sila sa iba’t ibang tourist spots sa Maynila.
Sila ang special guests sa paglulunsad ng bagong Miss Grand Philippines pageant sa ilalim ng ALV Pageant Circle ni Arnold Vegafria, na pipili sa magiging kinatawang ng Thailand-based na international beauty contest. Makaraan ng glamorosong gabi, kinabukasan pinuntahan na nila ang Fort Santiago, Rizal Park, at National Museum.
Sinamahan ng Pilipinang reynang si Roberta Tamondong, isa sa limang fifth runners-up, ang actor-director na si David Chua sa pagpapakita sa mga banyagang bisita sa mga pasyalang matatagpuan sa lungsod ng Maynila.
Huling napanood ang aktor sa teleseryeng “Mano Po: Legacy” sa GMA.
Pinangunahan ni reigning Miss Grand International Isabella Menin mula Brazil ang mga espesyal na bisita, kasama sina second runner-up Andina Julie mula Indonesia, third runner-up Luiseth Materan mula Venezuela, at fourth runner-up Mariana Beckova mula Czech Republic.
Kasama rin ang kapwa fifth runners-up ni Tamondong na sina Pich Votey Saravody mula Cambodia, Priscilla Nicole Londoño mula Colombia, Oxana Isabel Rivera mula Puerto Rico, at Hirisley Jimenez mula Spain, at si Miss Grand International Vice President Teresa Chaivisut.
Pumunta rin sila sa Manila North Cemetery para sa isang outreach activity.
“Majority of our queens, it’s their first time visiting here in our country,” sinabi ni Tamondong sa Inquirer sa launch event ng Miss Grand Philippines pageant.
Maikli lang ang naging pagdalaw nila, ngunit sinabi niyang nais pa sana niyang manatili kung maari lang. “Well, you know what, we have a very tight schedule. We already have fashion shows and three concerts lined up when we return to Thailand,” ibinahagi niya.
Samantala, ibinahagi rin ni Chua ang naging karanasan niya kasama si Miss Grand International President Nawat Itsaragrisil. “He’s very straight to the point, what he wants he’ll do. That’s what I admired about him. And I was surprised that he still remembers the streets inside the cemetery where they dropped off some of their relief goods,” sinabi ng Chinoy na aktor.
Tumatanggap na ng mga aplikante ang Miss Grand Philippines pageant para sa patimpalak na itatanghal sa Marso sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Kokoronahan doon ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2023 Miss Grand International competition sa Vietnam.